MANILA, Philippines — Muling inendorso ni Democratic Party of the Philippines vice presidential candidate Rizalito David si Bise Presidente Leni Robredo sa pagkapangulo sa Comelec-KBP PiliPinas Forum 2022 — ito kahit na running mate siya ni presidential bet Jose Montemayor Jr.
"Sana 'wag manalo si Bongbong Marcos at si Sara Duterte kaya kung si Leni Robredo ang maaaring makatalo sa kanila o sa kanya, kay Bongbong Marcos, siya po ang ating tulungan," wika niya, Biyernes.
Related Stories
"Kaya po, tahasan ko na pong ini-endorso, with respect to my ka-tandem na si Dr. Jose Montemayor Jr., na si Leni Robredo po ang ating tulungan upang baka sakali naman ay talunin niya si Bongbong Marcos."
Paliwanag niya, magdadala ng panganib sa Pilipinas ang pagkapanalo nina Marcos-Duterte. Marso lang nang sabihin ni David sa Comelec VP debates na dapat magkaisa ang mga kapwa niya kandidato para mapigilan ang pagkakapanalo ng dalawa.
Kasalukuyang numero uno sina Marcos (56%) at Duterte (55%) sa kani-kanilang tinatakbuhan sa huling survey ng Pulse Asia, na siyang kinekwestyon pati ng mga statisticians at ilang social scientists.
Una nang sinabi ni David na susuportahan din niya ang kandidatura sa pagkabise presidente ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III, kahit na pareho silang tumatakbo sa iisang pwesto.
Mababa sa vice presidential race si David at siyang nakakuha lang ng 0.1% voter preference sa survey ng Pulse Asia.
Hindi ito ang unang beses na magpakita si David ng suporta kay Robredo, bagay na ginawa na rin niya dalawang buwan na ang nakalilipas. — James Relativo