Pagbibigay ng 2nd booster shots sa senior citizens, pinamamadali
MANILA, Philippines — Umapela sa gobyerno si Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na madaliin ang pagbibigay ng 2nd booster shots sa mga nakakatandang populasyon ng bansa.
Ginawa na ni Ordanes ang apela dahil marami ng senior citizens ang ‘eligible’ ng 2nd dose sa kadahilanang may tatlong buwan nang lumipas nang maturukan sila ng kanilang booster shot.
Milyon-milyong COVID 19 vaccines ang malapit ng mag-expire at upang hindi masayang ang inutang ng gobyerno para makabili ng mga bakuna, makakabuti kung ituturok na ito bilang second booster shot o 4th dose sa ‘vulnerable sectors,’ ayon pa kay Ordanes, chairman ng House Special Committee on Senior Citizens at kinatawan ng Senior Citizen party-list na nasa Top 6 sa pinakahuling Pulse Asia survey.
Sinabi pa nito na may ilan pa sa humigit kumulang 10 milyong senior citizens sa bansa ang hindi pa nababakunahan at marami rin sa mga fully vaccinated sa kanila ang hindi pa nagpapaturok ng kanilang booster shot.
Panawagan din ni Ordanes sa mga kinauukulang ahensiya at lokal na pamahalaan na hanapin at puntahan na sa kanilang mga bahay ang mga ito upang bakunahan.
- Latest