MANILA, Philippines — Pinababawi ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) na inilabas nito na pumigil sa pag-aresto kay dating Palawan governor Mario Joel Reyes.
Batay sa 62-page na komento ng OSG, nais nitong ipawalang bisa ang TRO na inisyu ng SC noong March 23,2022 at agarang ipaaresto si Reyes upang matiyak na makakaharap ito sa korte kaugnay sa kasong pagpatay sa anti-corruption crusader, environmentalist at broadcaster Dr. Gerry Ortega noong 2011.
Hiniling din ng OSG na ibasura ng SC ang petition for review on certiorari ni Reyes na layong mabaligtad ang desisyun ng Court of Appeals (CA) Special Former Eleventh Division na nagpapatibay sa warrant of arrest laban kay Reyes.
Si Reyes ay kinasuhan ng murder kabilang ang kapatid na si dating Coron mayor Mario Reyes at walong iba pa.
Binigyan diin ng OSG na may malinaw na basehan para maglabas na ang RTC ng warrant of arrest laban kay Reyes dahil sa lumabas na findings ng mababang korte na may malakas na ebidensya na magpapatunay na si Reyes umano ang nasa likod ng pagpatay kay Ortega.