MANILA, Philippines — Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kandidatong tumatakbo para sa eleksiyon sa Mayo na limitahan ang bilang ng mga bodyguards na may armas.
Ayon sa Pangulo, ‘yung mga kandidatong natatakot para sa kanilang kaligtasan o may banta sa kanilang buhay ay maaaring magpatulong sa mga pulis at militar.
Iginiit din ni Duterte na dapat lahat ng kandidato ay sumunod sa Alunan doctrine kung saan nililimitahan ang may armas na mga nagbabantay sa mga pulitiko.
Ang Alunan doctrine ay isinulong ni dating Interior Secretary Rafael Alunan III kung saan ikinokonsiderang private army ang armadong higit sa dalawa ang bilang at kailangang tanggalan ng armas ng gobyerno.
“I’ve communicated this to the Cabinet that ang rules should really be followed, ‘yung Alunan Doctrine nalang. Mas maganda ‘yun. That more than two bodyguards would be considered a private army,” ani Duterte.
Nagbabala rin ang Pangulo na maaaring maaresto ang mga hindi susunod sa Alunan Doctrine.
Muling nangako ang Pangulo na hindi siya papayag na magkagulo sa eleksiyon at titiyakin niyang maipatutupad ang batas para sa mapayapang eleksiyon.