MANILA, Philippines — Pumalo na sa 167 katao ang bilang ng mga nasawi habang 110 pa ang nawawala matapos manalasa ang bagyong Agaton sa Eastern Visayas, Central Visayas, Western Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, karamihan sa mga nasawi ay mula sa Eastern Visayas na nasa 151 katao, mayorya rito ay sa landslide na tumabon sa isang barangay sa Baybay City, Leyte; 11 sa Western Visayas; tatlo sa Davao Region at dalawa sa Central Visayas.
Nasa 110 katao naman ang patuloy na pinaghahanap habang walo ang sugatan. Kabilang sa mga nawawala ay 104 sa Eastern Visayas, 5 sa Western Visayas at isa sa Davao Region.
Ang bagyong Agaton ay nanalasa noong Lunes Santo bagaman bago ito ay naramdaman na ang malalakas na pag-ulan.
Iniulat ng NDRRMC na nasa 562,548 pamilya o kabuuang 1.9M katao ang naapektuhan ng bagyo. Sa nasabing bilang 209,162 ang patuloy na kinukupkop sa 959 evacuation centers.
Sa inisyal na ulat ng NDRRMC nasa P242,239,927.31 ang pinsala sa agrikultura bagaman sa rekord ng Department of Agriculture ay umaabot na ito sa P703.3-M.
Nasa 69 tulay at kalsada ang hindi madaanan habang 76 mga lungsod at munisipalidad ang nawalan ng kuryente.
Isinailalim na sa state of calamity ang 16 siyudad at munisipalidad kabilang ang mga bayan ng Sara at Lemery sa Iloilo; Trento, Agusan del Sur; Cateel, Davao Oriental at buong lalawigan ng Davao de Oro.