Kawalan ng database nakaantala sa Pantawid Pasada  

MANILA, Philippines — Ang kawalan ng database ng mga benepisyaryo ang naging dahilan ng pagkaantala sa pamamahagi ng fuel subsidy program ng gobyerno, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Hanggang ngayon ay marami pang hindi nakakakuha ng ayudang ito halos tatlong linggo na mula nang magsimulang mamigay ng Pantawid Pasada dahil na rin sa kawalan ng listahan ng mga benepisyaryo. Inabutan na nga ng election ban na lalo pang nagpaantala dito,” puna ni Gatchalian.

Iginiit ng senador ang pagkakaroon ng centralized database ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at iba pang stakeholder para sa maayos na koordinasyon at implementasyon ng programa.

Dapat aniya ay ina-update kada taon upang magsilbing gabay para sa mga ahensyang naatasang magpatupad ng programa at upang matiyak na walang aksaya o maling paggamit ng pondo ng gobyerno.

Sa pinakahuling pagtatala noong Abril 4, 2022 ang mga bilang ng mga benepisyaryo sa hanay ng mga nasa Public Utility Vehicles (PUV), nasa 110,287 pa lamang ng kabuuang 377,443 ang nakatanggap ng tig-P6,500 na fuel subsidy samantalang prinoproseso pa rin ang fuel cards para sa 22,932 na mga benepisyaryo.

 Ang Department of Trade and Industry (DTI) na may tungkuling alamin ang mga benepisyaryo mula sa delivery services sector ay nagsumite sa Department of Transportation (DOTr) noon lamang Marso 23 ng listahan ng 27,777 na mga benepisyaryong tatanggap ng nasabing ayuda.

Samantala, hindi pa rin nakakapagsumite ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng listahan ng mga tricycle driver-beneficiaries.

Nais ni Gatchalian na mabigyan ng pinansyal na suporta ang sektor ng pampublikong transportasyon upang maibsan ang negatibong epekto ng biglaan at mataas na dagdag presyo ng langis.

 

 

Show comments