MANILA, Philippines — Umaasa ang Department of Health (DOH) na mapapagdesisyunan ng gobyerno sa susunod na linggo ang mungkahing isama ang booster shot bilang requirement bago masabing "fully vaccinated" ang isang tao laban sa COVID-19.
Sinabi ito Health Secretary Francisco Duque III, Biyernes, matapos imungkahi ni Presidential adviser on entrepreneurship Joey Concepcion na palitan ang depenisyon ng fully vaccinated patungo sa isang taong nakakuha na rin ng COVID-19 booster shot. Mabagal daw kasi ang paggulong ng booster doses at sayang kung mapapanis.
Related Stories
"Hopefully by next week," ani Duque nang matanong ng dzBB pagdating sa isyu.
"Talaga naman kailangan ng booster, ang problema lang nating yung policy na isama siya sa completed vaccination."
Depende sa alert level ng isang lugar, may mga maaaring gawin ang isang taong "fully vaccinated" na. Gayunpaman, itinuturing sa ngayong fully vaxxed ang mga nakakuha ng kumpletong primary series — kahit na wala pang booster.
Nagbibigay ngayon ng booster shots o additional COVID-19 vaccine doses ang gobyerno lalo na't bumababa ang proteksyon ng isang tao laban sa nakamamatay na virus habang tumatagal ang panahon.
"Malamang i-allow 'yan [booster shots bago maging fully vaxxed] kasi gusto natin na ang proteksyon na taglay ng bakuna ay mas mahaba, at mangyayari lang ito kung may booster," patuloy ng kalihim ng DOH.
"'Yun ang direksiyon na tinatahak ng Department of Health at sana yung experts ay magkaisa at suportahan itong polisya na ito."
Sa ngayon, tanging nasa 12 milyon pa lang mula sa 44 milyong indibidwal na eligible makapagpa-booster shot ang natuturukan nito. Umaasa sina Duque na tataaas pa ang mga numero.
Una nang pinalagan ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang mungkahing pagre-redefine ng fully vaccinated at tinawag pa itong "inappropriate," lalo na't hindi naman daw ito ginagawa ng mga mapagkakatiwalaang mga institusyon sa ibang bansa gaya ng US Centers for Disease Control and Prevention.
Huwebes lang nang imungkahi ni Concepcion na dapat makapagpakita ng "booster cards" ang mga tao bago payagang makapasok sa mga kulob (enclosed) na establisyamento pagsapit ng Hunyo para maengganyo ang lahat na makakuha ng ikatlong turok ng bakuna.
Suportado naman ni National Task Force Against COVID-19 medical adviser na si Ted Herbosa na lagyan ng expiry date ang mga karaniwang vaccination cards at mapalitan ito ng booster cards. — James Relativo