^

Bansa

'Hindi magkalaban': Kakampinks mainit na sinalubong sina Leody de Guzman sa Iloilo

Philstar.com
'Hindi magkalaban': Kakampinks mainit na sinalubong sina Leody de Guzman sa Iloilo
Litrato ng presidential candidate na si Ka Leody de Guzman at mga supporters ni Leni Robredo, ika-23 ng Marso, 2022
Mula sa Facebook page ng Laban ng Masa

MANILA, Philippines — Hindi gaya ng ibang political rallies tuwing eleksyon, walang tensyon nang magkasalubong ang magkaibang kampo nina presidential candidate Ka Leody de Guzman at supporters ng katunggaling si Bise Presidente Leni Robredo sa probinsya ng Iloilo — nagkaroon pa nga ng yakapan at picturan.

Pabalik na sana nitong Miyerkules sina De Guzman at kanyang vice presidential running mate na si Walden Bello sa bayan ng Sta. Barbara mula Estancia nang makasalubong ang campaign rally para kay Robredo, bagay na noo'y nakatipon sa kalsadang kanilang dinadaanan.

"Good luck [sa inyo Ka Leody], good luck, good luck! Pa-picture!" sabi ng isang babaeng naka-pink mula sa bulto ng Robredo supporters kahapon.

"Leni! Leni! Ka Leody! Ka Leody!" sabi naman ng isa pang babang nagpapakuha ng litrato sa Partido Lakas ng Masa standard bearers.

Ang isang lalaki naman, sinabihan pa ang mga "sosyalistang" presidential at VP bet na mag-ingat habang papunta sa kanilang patutunguhan.

Bukod sa tilian at kodakan, nakuha rin ng mga "Kakampinks" (na tawag sa supporters ni Leni) na iwagayway ang mga hawak nilang pink streamers habang kumakaway sa mga kandidato.

"Hindi namin inaasahan ang kanilang mga reaksyon nang nakilala nila ang ating mga kandidatong nasa sasakyan," ayon sa Facebook post ng Laban ng Masa, isang grupong binuo at pinangungunahan ni Bello.

"Tunay ngang hindi dapat pula at pink na ordinaryong mamayan ang magkalaban."

Dalawang kampo may 'common enemies'

Parehong kritiko ng mga polisiya at human rights record ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Robredo, kanyang mga supporter at kampo nina De Guzman.

Gaya nina Leody at Walden, mga aktibista rin ang pambansa demokratikong kilusan na sumusuporta kay Robredo.

Lahat sila'y kontra sa historical revisionism at pagdakila sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr., na siyang ama ng presidential candidate na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. Ang bise ni Bongbong ay ang anak ni Digong na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

"Ibagsak si Marcos! Ibagsak si Duterte!" pahabol na sabi ni Walden sa Robredo supporters.

Taong 2021 nang sabihin ni De Guzman, isang beteranong labor leader, na hindi sana siya tatakbo sa pagkapangulo kung pinagtugma nila ni Robredo ang kanilang mga plataporma noong "unity talks." Gayunpaman, hindi raw siya naging parte nito. — James Relativo

2022 NATIONAL ELECTIONS

LENI ROBREDO

LEODY DE GUZMAN

WALDEN BELLO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with