^

Bansa

De Guzman itutulak '6-hour work day' kaysa 4-day workweek kung wagi sa Mayo

James Relativo - Philstar.com
De Guzman itutulak '6-hour work day' kaysa 4-day workweek kung wagi sa Mayo
Sa file photo na ito, tumatawid ang mga taong naka-face mask kontra-COVID-19 sa isang masikip na kalsada
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Isinusulong ng labor leader at Partido Lakas ng Masa (PLM) 2022 standard bearer na si Ka Leody de Guzman ang pagpapaiksi ng oras ng trabaho "mula walo patungong anim" — hindi raw kasi maganda ang 4-day workweek kung sa esensya ay pagpapababa ito ng sahod.

Ayon sa presidential bet na si De Guzman, Miyerkules, mas mainam ito kumpara sa "4-day workweek" na mungkahi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua. Mawawalan pa raw kasi ng isang buong araw na sahod ang mga manggagawa kung gagawin ito.

"Ang epekto ng panukalang 4-day workweek ay kabawasan sa kita ng manggagawa. Dahil imbes na 'no loss in pay' ay 'no work, no pay.' Paalis na nga lang sa pwesto [ang administrasyong Duterte], nagawa pang mamerwisyo. Imbes na tulungang dumagdag ang kita ay binawasan pa," ani De Guzman, na isang dating manggagawa sa pabrika, kahapon.

"Ang aking panukala para sa shortened workweek, na maaring 6-hour working day, nang walang kabawasan sa sweldo, ay naglalayong magdagdag na isang shift para sa karagdagang empleyo habang binabawasan ang physical depreciation ng katawan ng manggagawang nalalaspag sa pag-oobertaym at pagtarabaho."

Una nang sinabi ni De Guzman na makapag-eempleyo ng dagdag na 11 milyong manggagawa ang Pilipinas kung babawasan ng dalawang oras ang trabaho sa isang araw.

NEDA bakit gusto 4-day workweek?

Martes nang imungkahi ni Chua kay Pangulong Rodrigo Duterte ang 4-day workweek upang makatipid ng enerhiya at mabawasan ang gastusin ng publiko kasabay ng ika-11 sunod na linggo ng oil price hikes.

Sa suwestyon ni Chua, gagawing apat na araw na lang ang trabaho ngunit itataas naman ito sa 10 oras kada araw, para mapanatili ang 40 hours per week na pagbabanat ng buto ng publiko.

Mananatili naman daw sa ngayon ang desisyon para gawing apat na araw ang trabaho sa isang linggo sa pamunuan ng mga negosyo't establisyamento, wika ni Labor Undersecretary Benjo Benavidez, Huwebes. 

"Imbes na pinapalitan ng makina ang pagkaempleyo ng tao,  ang pag-unlad sa teknolohiya ay dapat humantong sa pagbabawas ng hours of work, nang hindi binabawasan, bagkus ay dinadagdagan pa ang sweldo," paliwanag pa ni De Guzman, na una nang sinabing dapat gamitin ang Section 14 ng Oil Deregulation Law para makontrol at iregula ang industriya dulot ng emergency situation.

Kilala rin si De Guzman sa pagtutulak ng pagtataas ng minimum na sahod sa P750 kada araw para makaagapay ang publiko sa pagtaas ng gastusin ng mga manggawa, gaya na lang pagmamahal ng langis at bilihin.

Kasalukuyan namang itinutulak ni Makabayan senatorial candidate Neri Colmenares ang pagre-repeal ng value added tax (VAT) at fuel excise tax at pagbabasura ng Oil Deregulation Law upang makontrol ang walang-humpay na pagmamahal ng produktong petrolyo.

Sa kabila nito, pinapalagan ng Department of Finance ang pagsususpindi ng koleksyon ng fuel excise tax dahil mawawalan daw ng P138.8 bilyon, o katumbas ng 0.6% ng gross domestic product, ang Pilipinas.

'Econ managers subukan mag-minimum wage'

Nainsulto naman ang Bayan Muna party-list sa inaprubahang P200 ayuda kada buwan ni Duterte sa mga mahihirap na pamilya sa gitna ng oil price hikes, lalo na't barya lang daw ito lalo na kung hahatiin kada araw. Tumataas kasi ang presyo ng bilihin tuwing nagmamahal ang gasolina at diesel.

"Sa halip na isuspende muna ang excise tax sa langis ng anim na buwan ay mas gusto nila ang token o kakarampot  na P200 ayuda kada pamilya kada buwan o 4 day work week," wika ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

"Nakakaisulto ito dahil papatak lang ito ng P6.66 kada araw kada pamilya, o, P1.33 kada araw kada tao lang ito. Hindi lang ito walang silbi, malaking insulto pa ito sa mamamayan nating pinipiga ng pilit sa mga bayaring buwis."

Dagdag pa ni Zarate, pwede pa raw pagmulan ng katiwalian at pamumulitika ang kakarampot na ayudang ito ngayong eleksyon.

Napakadali rin daw sa "economic managers ng mayayaman" na tutulan ang suspensyon ng ecise tax dahil "hindi nila alam ang danas ng karaniwang konsyumer."

"Subukan kaya nilang mabuhay sa isang linggo gamit  ang P537 minimum wage at idagdag pa nila yung P1.33 ayuda kada araw na gusto nilang ibigay tignan natin kung kayanin nila lalo pa na buong pamilya ang bubuhayin mo sa ganung halaga lamang," patuloy pa niya.

"Matauhan at gumising na dapat si Pres. Duterte at magpatawag na ng special session at maipasa na ng Kongreso ang nabinbin na panukalang batas on suspension of excise taxes.  Huwag na niyang hintayin na masadlak pa sa mas sobrang kahirapan ang ating mamamayan at sasambulat ang paniningil nito sa kanya at mga kaalyado niya."

2022 NATIONAL ELECTIONS

BAYAN MUNA PARTY-LIST

KARL CHUA

LEODY DE GUZMAN

NEDA

OIL PRICE HIKE

WORKERS RIGHTS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with