MANILA, Philippines — Pinapurihan ngayon ni House Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang mabilisang aksyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III kaugnay sa pag-aatas sa lahat ng regional wage boards na bilisan ang pagrepaso sa minimum wages bilang reaksyon sa patuloy na pagsirit ng presyo ng langis.
“Panahon na para itaas ang minimum wages. Dapat, makahinga pa rin kahit paano ang mga kababayan natin kahit doble-doble ang problema dahil sa pandemya at sa pagtaas ng presyo ng petrolyo,” ani Herrera.
Inayunan naman ni Herrera ang pahayag ni Bello na ang kasalukuyang daily minimum wage sa National Capital Region na P537 ay hindi na angkop sa halaga ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain, at sa mga bayarin sa kuryente at tubig.
“Dapat lang na ibigay natin sa mga manggagawa ang kaukulang tulong sa mga ganitong pagkakataon para na rin sa kapakanan ng kani-kanilang pamilya. Ito ay sa kabila ng pag-iingat din natin sa estado ng mga negosyo at ng mga industriya sa bansa,” ayon pa kay Herrera.