MANILA, Philippines — Dapat madaliin ng pamahalaan ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa gitna ng sumisirit na presyo ng gasolina, pagkain at pang araw-araw na pangangailangan, ayon kay dating Senador Jinggoy Estrada.
Bagama’t inutos na ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga regional wage boards na agad pag-aralan ang panukalang angat-sahod, sinabi ni Estrada na masyadong matagal kung katapusan pa ng Abril mailalabas ang resulta ng kanilang pag-aaral.
“Bago pa magkaroon ng pandemya, kulang na ang minimum wage na inuuwi ng manggagawang Pinoy. Mas lumala ang kanilang kalagayan sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng ng pag-atake ng Russia sa Ukraine,” diin ng beteranong mambabatas.
Aniya, higit na kaawa-awa ang kalagayan ng mga tsuper na ngayo’y nagdurusa dahil hindi nila maitaas ang pasahe sa kabila ng walang tigil na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo. “Madalas ay wala halos silang kinikita,” paliwanag niya.
Sakaling palarin muling makabalik sa Senado, sinabi ni Estrada na kanyang isusulong ang matagal nang panukala na gawing swelduhan ang mga tsuper sa halip na magbayad ng boundary sa kanilang operators. “Sa ganitong panahon ng krisis, bayad ang boundary ng operator samantalang walang naiuuwing kita ang pobreng tsuper,” aniya.