MANILA, Philippines — Lalo ang sumirit ang pagkakautang ng pambansang pamahalaan sa P12.03 trilyon nitong Enero 2022 dahil sa "net availment" ng parehong utang panloob at panlabas — ito habang kumakalma ang COVID-19 situation, na nagpataas sa borrowings nitong mga nagdaang panahon.
Sa ulat ng Bureau of Treasury (BTr), Biyernes, iniulat na tumaas ng P301.12 bilyon o 2.6% ang total debt ng national government mula sa P11.73 trilyon nitong Disyembre. Narito ang breakdown ng total debt:
Related Stories
- utang panlabas (30.4%)
- utang panloob (69.6%)
Una nang tumama sa 60.5% ng gross domestic product ang utang ng gobyerno, dahilan para mabahala ang ilan kung kakayanin nitong makapagbayad. Sa pagtaas ng utang nitong Enero, lalo pang tumaas ang porsyentong nabanggit.
"[National Government] domestic debt amounted to P8.37 trillion, which is P197.38 billion or 2.4% higher compared to the end-December 2021 level," ayon sa bureau kanina.
"This is primarily due to net availment of domestic financing amounting to P197.04 billion including the P300 billion provisional advances availed by the NG from the BSP for budgetary support."
Tumaas naman ng 2.9% kumpara noong naunang buwan ang paghiram ng gobyerno ng Pilipinas sa mga dayuhan dahilan para umabot na ito sa P3.66 trilyon. Iniuugnay naman ito sa epekto ng pagbaba ng palitan ng piso sa dolyar (peso depreciation) at net availment ng external obligations na aabot sa P94.88 bilyon.
Presidentiables sa utang
Una nang sinabi ni Bise Presidente Leni Robredo nitong Linggo na hindi basta nangungutang ay masama na, basta mailagay sa priority areas sa pampublikong sektor ang pera. Ang problema, napupunta raw ang marami rito sa katiwalian.
Kinekwestyon naman ngayon ni Sen. Panfilo Lacson kada budget hearing ang Department of Budget and Management kung bakit P650 bilyon ang projected deficit ng Pilipinas at kung bakit doble nito ang hinihiram. Dapat din daw harangan ang pagpopondo sa non-essential projects para matugunan ang problema.
Inilutang naman ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang pagbebenta ng ilang pagmamay-ari ng gobyerno upang mabayaran ang mga utang. Ayon naman kay dating presidential spokesperson Ernesto Abella, magandang mag-focus ang gobyerno sa pag-industriyalista ng mga sektor ng ekonomiya ngayon.
Para naman kay Ka Leody de Guzman, talagang uutang nang uutang ang Pilipinas hangga't import-dependent at export-oriented ang ekonomiyang hindi gaano kumikita.
Dahil dito, dapat daw magtayo ng sariling industriya. Una na niyang sinabing hindi muna dapat magbayad ng utang sa susunod na limang taon para mapondohan ang mga programa ng gobyerno at ipambayad dito ang matitipid sa ikaanim na taon.
Tutol naman ang espesyalista sa puso na si Joey Concepcion ang pangungutang sa mga dayuhan, lalo na't nasasangkalan daw nito ang kinabukasan ng mga sunod na henerasyon.