MANILA, Philippines — Ipagpapatuloy ng Angkla Partylist ang mandato nitong isulong ang Kabuhayan, Karapatan at Kapakanan ng mga Pilipinong seaman sa muli nitong pagbabalik sa Kongreso ngayong May 2022 elections para kumatawan sa nasabing sektor.
Ayon kay Angkla Partylist first nominee, Atty. Jesulito Manalo, una nitong tututukan na ipaglaban ang kabuhayan ng mahigit 1.5 milyong Filipino seaman sa pamamagitan ng pagsiguro sa tiwala ng international shipowners sa mga Marinong Pilipino.
Una nang nanawagan si Manalo sa gobyerno na tutukan ang napipintong pag-ban ng Filipino seafarers sa European flagged ships dahil sa nakabinbing desisyon ng European Union sa usapin ng European Maritime Safety Agency’s (EMSA).
Aniya, mahalaga ang EMSA recognition sa mga Pilipinong seaman hindi lamang sa mga nagtatrabaho sa Europa kundi maging sa iba pang panig ng bansa, dahil ang Europa ang nagsisilbing traversing point ng lahat ng kalakalan sa mundo.
Sa House Bill 457 at 5685 na iniakda ni Manalo, mabibigyan ng proteksyon ang mga Pilipinong seaman para magkaroon ng ligtas na workplace alinsunod sa mga safety standards; disenteng working at living conditions sa barko, medical care, welfare measures at iba pang uri ng health at social protection.