MANILA, Philippines — Aarangkada na ngayong Martes (Pebrero 8) ang opisyal na campaign period para sa mga pambansang posisyon na uumpisahan sa magkakahiwalay na ‘proclamation rally’ ng iba’t ibang partido at alyansang politikal sa magkakahiwalay na parte ng bansa.
Sa Metro Manila, isasagawa ng Aksyon Demokratiko ang kanilang ‘proclamation rally’ dakong alas-6 ng gabi sa Kartilya ng Katipunan na nasa tabi lang ng Manila City Hall, para sa kanilang presidential candidate na si Manila Mayor Isko Moreno at vice-presidential candidate Dr. Willie Ong. Kasama rin nila ang kanilang senatorial bets na sina Atty. Jopet Sison, Samira Gutoc at Carl Balita.
Ikakasa naman nina Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan ang kanilang proklamasyon sa balwarte ng una sa Naga City sa Bikol. Bago ang programa, magsasagawa muna ng ‘motorcade’ ang kanilang tiket sa iba’t ibang bayan sa Camarines Sur.
Kabilang sa kanilang senatoriables na ipo-proklama rin sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Leila de Lima, dating senador Antonio Trillanes IV, dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Chel Diokno, Sonny Matula at Alex Lacson.
Guest candidates sina Sens. Joel Villanueva, Juan Miguel Zubiri at Richard Gordon, Sorsogon Gov. Francis Escudero, at dating vice president Jejomar Binay.
Sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan magsasagawa ng kanilang proklamasyon ang UniTeam nina dating senador Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte.
Kabilang sa kanilang senatorial ticket sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sen. Sherwin Gatchalian, House Deputy Speaker Rodante Marcoleta, Atty. Larry Gadon, House Deputy Speaker Loren Legarda, dating senador Jinggoy Estrada, dating DPWH Sec. Mark Villar, Harry Roque, Gilbert Teodoro, Herbert Bautista, at Gringo Honasan.
Sa kaniyang balwarte rin sa Imus, Cavite ilulunsad nina Sen. Panfilo Lacson at Sen. Tito Sotto III ang kanilang kampanya.
Inaasahan na kasama sa rally ang kanilang mga kandidato sa Senado na sina dating PNP Chief, ret. Gen. Guillermo Eleazar, Dr. Minguita Padilla, at dating Makati Rep. Monosour del Rosario.
Tulad ng iba, sa kaniyang sinilangang-bayan din sa General Santos City ikakasa ni Sen. Manny Pacquiao at dating Buhay party-list Rep. Lito Atienza ang kanilang kampanya.
Inaasahang magmimistula namang labor rally ang proklamasyon ng labor leader na si Leody De Guzman at running-mate niyang si Walden Bello sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City. Makakasama nila dito ang kanilang senatoriables na sina Luke Espiritu, Roy Cabonegro at David D’ Angelo sa ilalim ng Partido Lakas ng Masa (PLM).