MANILA, Philippines — “Kapag sinabi ni Ping na aayusin niya ang gobyerno at uubusin ang magnanakaw, asahan ninyo mangyayari yan”.
Ito ang matigas na paninindigan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong kasabay nang pagsasabing nagawa na ito ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson nang pamunuan niya ang hanay ng Philippine National Polic (PNP).
Kasabay nito, hinimok din ng alkalde ang mga botante na piliin ang mga kandidato na may tunay na abilidad, integridad, at karakter para maging ika-17 pangulo ng Pilipinas, sa papalapit na Halalan 2022.
Kasabay ito ng kanyang muling pagpapahayag na si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang nakikita niyang kandidato na ‘swak’ sa mga katangian para maging lider ng bansa.
“Because nasa kanya lahat ng katangian ng isang lider na hinahanap ko. Maski na matalo pa siya, siya pa rin ang iboboto ko. Because it’s all about consistency, it’s all about conviction, it’s all about commitment,” pagbibigay-diin ni Magalong.
Nilahad ito ni Magalong sa panayam ng programang “Balitang Sapolitika” ng Politiko online radio. Aniya, hindi nagbabago ang kanyang pagsuporta kay Lacson dahil magkapareho sila ng prinsipyo sa pamumuno.
Ayon pa sa alkalde na dati ring pulis at naging tauhan ni Lacson sa Philippine National Police (PNP), nakuha niya sa kanilang hepe ang istilo ng pamamahala na nakapokus sa pagbibigay ng serbisyo-publiko na higit pa sa politika.
“How he (Lacson) led the Philippine National Police, very transparent, grabe ang accountability. And you know, it’s all about governance and it’s the same thing that I’m applying. Governance beyond politics—that’s my battle cry now in the City of Baguio,” saad ni Magalong.
“Huwag tayong bibitaw because alam natin na siya lang talaga ang makakapag-ayos nitong bansa. I saw it. Ako may personal experience ako, and ako, malaki ang conviction ko talaga na if there’s anyone who can lead this country, (si Lacson). Because we can never do trial and error this time,” aniya.
May mensahe rin ng alkalde sa mga botante na huwag magpadala sa mga kandidato na labis na pinalulutang at pinasisikat ng publisidad, at lumalabas na nangunguna sa presidential race base sa mga pre-election survey, dahil may karapat-dapat namang kandidato kumpara rito. “Alam mo, the worst thing that one person will do when he sees na ‘ito magaling ito pero dahil hindi mananalo, ito na lang ang iboboto ko’. I don’t think that should be the right mindset,” ayon pa sa alkalde ng Baguio City.
Hinangaan ni Magalong ang pamumuno ni Lacson sa PNP dahil naibalik niya ang tiwala ng taumbayan sa mga pulis at naalis ang kotong cop sa kanilang hanay. Kilala rin ang presidential candidate bilang senador na hindi kumuha ng alokasyon sa pork barrel at binusisi pa ang mga anomalya sa national budget at paggasta ng mga ahensya ng pamahalaan.