Bakunahan sa mga botika, ilalarga

A health worker prepares a dose of a COVID-19 vaccine booster at the Marikina Sports Complex on Monday, Jan. 3, 2022.
The STAR/Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Takdang ilunsad sa mga piling botika ang libreng booster shots na bukod sa dagdag na ve­nue ay magpapabilis din umano sa pagbabakuna at makakatulong sa pa­sanin ng mga nagkakasakit na vaccinators.

Sinabi ni testing czar Secretary Vince Dizon sa Talk to the People ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte, na bukas araw ng Huwebes at Biyernes ay ilulunsad ang “Resbakuna sa Botika” sa pitong botika sa Metro Manila para sa isang linggong pilot test at pagkatapos nito ay gagawin na ito sa mga botika sa buong bansa.

Kabilang sa mga botikang tutulong sa “Resbakuna sa mga Botika” ay ang Mercury Drug, Watsons, Rose Pharmacy, Southstar Drug, Generica, Healthway at Qualimed clinics.

Ayon pa kay Dizon, nakausap na niya ang mga malalaking drugstores sa gagawing hakbang para mas mapalawak pa ang pamimigay ng COVID vaccines.

Nilinaw naman ni Presidential Spokesman Karlo Nograles na hindi maaari ang walk-in dahil kailangang magparehistro muna bago magpunta sa botika.

Niinaw din ni Nograles na limitado lamang sa 50-100 dose kada araw ang ibibigay na booster shots.

Sa ganitong paraan ay makikita umano kung ano ang demand at kung mataas ang demand para makapag-adjust ang gobyerno.

Show comments