Record-breaking uli: 33,169 new COVID-19 cases highest sa kasaysayan ng Pilipinas

health workers Health workers (in blue) check identification documents of people queueing up for Coronavirus swab tests outside a gymnasium in Manila on Jan. 7, 2022, as infections driven by the Omicron variant have tripled in the last two days in the nation's capital.
AFP/STR

MANILA, Philippines — Naitala uli ang pinakamataas na bilang ng bagong hawa ng COVID-19 sa Pilipinas sa iisang araw lang, ayon sa pinakasariwang datos na inilabas ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes sa bilang na 33,169.

Ito na ang ikatlong sunod na araw na record-high ang bagong infections sa bansa, matapos nitong malampasan ang mga bilang noong Sabado (26,303) at Linggo (28,707).

  • total cases (2998,530)
  • bagong kaso (33,169)
  • total deaths (52,293)
  • kamamatay lang (145)
  • aktibong kaso (157,526)

"Samantala ay mayroon namang naitalang 3,725 na gumaling," wika ng DOH sa isang pahayag kanina ng DOH, dahilan para sumampa na sa 2.78 milyon ang total recoveries sa bansa.

"Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong January 8, 2022 habang mayroong 10 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS)."

Dahil sa biglaang pagsirit ng mga kaso nitong mga nagdaang araw, ipinapanawagan ngayon ng mga health experts na pahigpitin lalo sa Alert Level 4 ang Metro Manila, na diumano'y sentro ng krisis sa Pilipinas.

Sa kabila nito, binanggit ni Interior Undersecretary Epimaco Densing III na wala pang rekomendasyon na i-escalate ang alert level system ng Kamaynilaan. ito'y kahit na nagkaroon na raw ng mungkahi para ideklara ito "preemptively" sa rehiyon.

"Pinapaalalahanan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at lagging magsuot ng facemask, mag physical distancing, at maghugas ng kamay," sabi pa ng Kagawaran ng Kalusugan kanina.

"Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE at magpatest. Tandaan ang right test at the right time. Agad rin na magpabakuna upang makakuha ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19." 

Ang lahat ng ito ay nangyayari habang kumakalat ang kinatatakutan at mas nakahahawang Omicron variant sa Pilipinas. 

Show comments