MANILA, Philippines — Inilatag na ng Philippine National Police ang iba’t ibang checkpoints na daraanan ng mga motorista sa Metro Manila at mga probinsiya kasunod na rin ng pagsisimula ng election gun ban kahapon.
Sinabi ni P/Col. Roderick Augustus Alba, inatasan na ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos ang Directorate for Operations sa paglalagay ng PNP-Comelec-AFP checkpoints upang matiyak na walang sindikato o indibiduwal na maghahasik ng gulo hanggang sa araw ng halalan.
Ang gunban ay tatagal ng 150 araw o hanggang Hunyo 8, 2022.
Sa Comelec Resolution 10728, ipinagbabawal ang hindi otorisadong paggamit ng mga baril at bodyguards habang papalapit ang May 9, 2022 elections.
Bawal din ang pagdadala, pagbiyahe ng mga firearms o deadly weapons sa labas ng bahay o sa mga negosyo maging sa lahat ng public places mula Enero 9 hanggang Hunyo 8.
Kasabay nito, sinabi rin ni Alba na kailangan tiyakin ng motorista na dala nila ang kanilang vaccination card dahil may mga Quarantine and Border Control Points din na itinalaga sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 kung saan mahigpit na ipinatutupad ng ‘no vaxx, no entry’.