New COVID-19 cases sa bansa umabot ng 17,220, pinakamataas sa 101 araw
MANILA, Philippines — Muling sumirit paakyat ang bilang ng bagong nahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas, Huwebes, matapos nitong umabot sa higit 17,000 — ang pinakamarami simula ika-27 ng Setyembre.
Aabot na sa 101 araw simula nang mas marami ang new COVID-19 infections sa bansa, batay sa pagsusuri ng datos ng Department of Health (DOH).
- Kabuuang kaso: 2,888,917
- Bagong hawa: 17,220
- Kabuuang patay: 51,743
- Kamamatay lang: 81
- Aktibong kaso: 56,561
Mas marami ang new cases kumpara sa 10,775 na naitala ng DOH nitong Miyerkules.
"Samantala ay mayroon namang naitalang [bagong] 616 na gumaling, ayon sa pahayag ng kagawaran ngayong araw. Dahil diyan, aabot na sa 2.78 milyon ang kabuuwang recoveries sa COVID-19 sa bansa.
"Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong January 4, 2022 habang mayroong 11 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS)."
Ito ang ibinalita ng gobyerno matapos madagdagan ng 29 bagong kaso ng mas nakahahawang Omicron variant sa bansa — dahilan para sumampa na ito sa 43 sumatutal.
Kahapon lang nang ianunsyo ng IATF na isasailalim sa mas mahigpit na Alert Level 3 ang probinsya ng Laguna, kaugnay pa rin ng biglaang pagsipa ng COVID-19 cases.
Sasamahan ng Laguna ang simula ika-7 ng Enero ang Metro Manila, Rizal, Cavite at Bulacan.
Bilang tugon sa bagong COVID-19 surge, ilan sa mga posibleng pag-usapan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang pagpapatupad ng "no vaccine, no labas" policy sa buong Pilipinas, bagay na epektibo na sa ilang lugar sa Metro Manila at mga probinsya.
Sa kabila nito, humaharap ang nabanggit sa kritisismo mula sa ilang progresibong grupo dahil karagdagang paghihigpit na naman ito habang hindi nagpapatupad ng libreng "mass testing" ang gobyerno. Kasabay nito, mas mainam pa rin daw na idaan sa pagpapaliwanag kaysa pamimilit ang pagpapabakuna habang binibilisan ang paggulong ng immunization efforts. — James Relativo
- Latest