MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) kung imumungkahi na nito sa publiko ang paggamit ng COVID-19 test kits para ma-test ang sarili.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakipagkita na ang DOH sa Food and Drug Administration (FDA) at mga dalubhasa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para rito.
Related Stories
"Pinagaaralan po kung paano po natin maisasagawa na hindi naman po magkakaroon ng inaccurate results ang ating mga kababayan," paliwanag ni Vergeire sa panayam ng Teleradyo, Miyerkules.
"Kailangan lang ho nating masiguro na wala tayong misuse of the self-test antigen dahil alam naman po natin na meron po tayong tinatawag na right test at the right time at appropriate use."
Sinasabi ito ngayon ni Vergeire habang binubuhay ng mga progresibong grupo gaya ng Bagong Alyansang Makabayan at Bayan Muna party-list ang pagkakaroon ng libreng COVID-19 mass testing sa Pilipinas, na wala aniya sa 2022 national budget.
Una nang itinutulak ni Baguio City mayor Benjamin Magalong ang paggamit ng antigen self-test kits sa kanilang lungsod para mapabilis ang paghahanap ng COVID-19 cases sa gitna ng pagharap ng Pilipinas sa Omicron variant.
Sinasabing malaganap na ang paggamit nito sa mga bansa gaya ng Estados Unidos, Canada, Europa at Singapore. Sa kabila nito, dapat pa raw ito maaprubahan ng FDA bago magamit ng publiko.
"[K]ailangan din lang ng FDA na magkaroon ng isang rehistrado or rehistrado na mga self-test antigen test kits sa ating bansa," wika pa ni Vergeire.
Matatandaang napagsabihan noon ni Health Secretary Francisco Duque III ang aktor na si Robin Padilla matapos niyang i-swab test ang sarili para sa COVID-19, kahit bawal pa.
Kasalukuyang nasa alert level 3 ang National Capital Region, Rizal, Cavite at Bulacan dahil sa biglaang pagsipa ng mga kaso, kasabay ng banta ng mas nakahahawang Omicron variant.
Martes lang nang umabot sa 2.86 milyon ang nahahawaan ng naturang nakamamatay na virus sa Pilipinas, ang pinakamataas simula ika-23 ng Oktubre.
Tumuntong naman na sa 51,604 katao ang namamatay sa naturang karamdaman sa bansa.