MANILA, Philippines — Isa pang lumaktaw sa facility-based quarantine ang nasakote ng mga otoridad, ilang araw matapos mabisto ang isang babaeng COVID-19 positive na tumakas sa isang hotel para pumarty sa Makati City.
Ito ang ibinalita ng Department of Tourism, Lunes, sa gitna ng pagsirit ng COVID-19 cases sa Pilipinas habang dumarami ang kaso ng mas nakahahawang Omicron variant.
Related Stories
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa panayam ng CNN Philippines, nanggaling din sa Amerika ang bagong quarantine breacher na isang babae.
Imbis na mag-check in para sa mandatory hotel quarantine, dumiretso aniya ang nabanggit sa kanyang condominium para magpamasahe. Nahuli rin naman daw siya agad, na nakuha pa mag-Instagram story.
"The investigation found that the returning overseas Filipino was referred to a hotel in Makati for the mandatory quarantine period for arriving international passengers," ayon sa DOT sa isang pahayag.
"The hotel management, however, claimed that when its personnel went to the airport to pick up the individual, according to the procedure, the individual evaded going with hotel staff by claiming a quarantine exemption that turned out to be non-existent."
Sinasabing isang indibidwal na malapit sa violator ang nagtimbre sa DOT officials, na siyang nakumpirma sa imbestigasyon ng ahensya.
Inendorso naman na raw ng DOT ang kaso sa Philippine National Police para sa kaukulang aksyon. Kinumpirma na rin ng Criminal Investigation and Detection Group sa Philstar.com na inaasikaso na ng Regional Field Unit sa National Capital Region ang kaso.
"The DOT appreciates the hard work and dedication of all accredited hotels who have ensured that returning Filipinos safely and comfortably finish the prescribed quarantine before they are allowed to leave hotel premises," dagdag pa ng DOT.
Sa panuntunan ng IATF na inilabas nitong Disyembre, kinakailangang mag-facility-based quarantine ang mga travelers mula sa mga "green" at "yellow" list countries at mag-RT-PCR test sa ikalimang araw matapos nilang dumating ng Pilipinas.
Magnegatibo man sila o positibo, kailangan silang mag-quarantine ng hanggang 14 araw mula nang lumapag sa bansa. Ang Amerika na pinanggalingan ng babae ay yellow list country.
Una nang sinabi ng Bureau of Quarantine ng lahat ng lumalabag sa naturang protocol ay agad na natutukoy at may mga nakasuhan na rin.
DOH 'walang balita' sa isyu
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kanina, hindi pa nakararating sa kanila ang balita tungkol sa tinaguriang "massage girl."
"Alam po nating lahat na these things na ginagawa ng mga violators ay under the table siguro, kaya nakakalusot sila," banggit ng DOH official.
"The [DOH] has never recieved any report like this. We recieve anecdotal reports and we immediately report these to the proper authorities para maimbestigahan."
Nanawagan naman Vergeire sa lahat ng mga returning overseas Filipinos na makiisa sa pagsunod sa quarantine protocols lalo na't safeguard ito sa Pilipinas para hindi na tumaas pa lalo ang COVID-19 cases.
Sinabi na noon ng Department of Health (DOH) na paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang pagsuway sa mga naturang COVID-19 guidelines and policies, na siyang meron ding mga karagdagang parusa. — James Relativo at may mga ulat mula kay Rosette Adel