MANILA, Philippines — Nagpasalamat ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) kay Albay 2nd district Rep. Joey Sarte Salceda sa tulong niyang paglaanan ng pondo ang programa nitong ‘Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP)’ na pinakinabangan ng 10,888 pasyenteng iginupo ng COVID-19 ngayong 2021.
Sa kanyang liham kay Salceda, sinabi ni Dr. Eric Raymond N. Raborar, BRTTH Medical Director, na sa pamamagitan ng MAIP, naisakatuparan nila ang mahahalagang hakbang at layunin sa kabila ng mga hamong inilatag ng COVID pandemic.
Ang BRTTH na may 250-300 kama ay tumanggap ng P135 milyong ayudang pondo ngayong 2021.
Bilang tugon ng BRTTH sa pandemya, ginawang libre lahat ang mga serbisyo nito pati gamot, MRI, CT scan, X-ray, serbisyo ng BRTTH BioMed technicians, at iba pa. Sa 2021 ulat ng BRTTH, sinasabing napabababa nito sa 65% ang hawaan ng COVID sa lalawigan.
Patuloy ang mga inisyatibong isinusulong ni Salceda upang lalong mapaunlad and BRTTH at makatugon ito sa mga pangangailangang medical ng buong Bikol partikular ang mahihirap na kulang sa kakayanang magpagamot sa Maynila. Ang BRTTH ay itinuturing na “Philippine General Hospital” sa Timog Luzon.