MANILA, Philippines — Nakamit na ng National Capital Region (NCR) at walong iba pang probinsiya ang herd immunity, ayon kay National Task Force (NTF) against COVID-19 adviser Ted Herbosa.
Ang NCR plus eight ay kinabibilangan ng NCR, Bulacan, Pampanga, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu City, at Davao City.
Sa NCR ay lumampas na sa 90% ang kumpleto na ang bakuna at 100% ang nakatanggap na ng unang dose.
Dagdag ni Herbosa, may mga lugar pa rin na 40% pa lamang ang kumpleto na ang bakuna pero madadagdagan ito sa gagawing bakunahan sa Disyembre 15, 16 at 17.
Nasa 300 kaso bawat araw na lang ang naitatala at maraming ospital na rin ang zero o walang naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Ang banta na lang aniya ay ang Omicron kaya kailangang makumpleto ang 2 dose ng bakuna at maging ang booster dose para protektado ang lahat sakaling makapasok ang nasabing variant.