MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ng Department of Health (DOH) na walang kinalaman ang COVID-19 vaccine sa pagkasawi ng tatlong bata na edad 12 hanggang 17 na ganap nang bakunado.
Kasunod nito, nagpaabot ng pakikiramay si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa naiwanang pamilya ng mga nasawing bata.
“Kinakalungkot po natin at nakikiramay tayo sa mga pamilyang nagkaroon ng pagkamatay pero lagi po nating tatandaan na hindi lang po bakuna ang maaaring maging cause nitong ating sinasabing pagkamatay pagkatapos mabakunahan,” ayon kay Vergeire.
Base sa pagsusuring medikal, sinabi ni Vergeire na isa sa mga bata ang nasawi dahil sa pulmonya na walang kinalaman sa COVID-19, isa dahil sa dengue at isa naman dahil sa tuberculosis.
Ang tatlong pagkasawi ay kabilang sa ulat ng pinagsususpetsahang ‘adverse reactions’ ng COVID-19 ng Food and Drug Administration (FDA) na inilabas nitong Nobyembre 28.
Ipinaliwanag pa ni Vergeire na ang mga pangyayaring ito ay sumusulpot sa mga taong may dati nang taglay na ‘comorbidities’ tulad ng sakit sa baga, sakit sa puso, sakit sa utak, cancer, diabetes, at ibang mga impeksyon tulad ng pneumonia.