MANILA, Philippines — Basta't mabago ang nilalaman ng batas, walang problema ang Palasyo na gawing kondisyon ang COVID-19 bago makatanggap ng antipoverty subsidy ang mga mahihirap sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sabado kasi nang sabihin ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya na magandang tanggalan ng "conditional cash transfer" ang mahihirap kung hindi sila magpapabakuna laban sa COVID-19.
Related Stories
"Ang tingin ko po ay pupwede naman pong i-require 'yan sa 4Ps, pero baka kinakailangan po amyendahan 'yung batas," ayon kay presidential spokesperson Harry Roque ngayong Lunes.
"Kasi 'yung batas po 'yung nagsasabi kung sino 'yung entitled sa 4Ps, ano. Hindi lang po ito isang executive program, ito po'y naisabatas ng Konggreso sa pamamagitan ng [Republic Act] 11310."
Sa ilalim ng Section 11 (b) ng RA 11310, hinihingi ang bakuna para sa mga bata bago mabigyan ang kanilang pamilya ng cash grant. Pero para lang ito sa mga edad 0-5, na bawal pa ring mabakunahan laban sa COVID-19. Wala pa ring COVID-19 noong panahong isinulat ang batas.
Una nang sinabi ni Malaya na pabor silang gawin ang naturang hakbang dahil marami pa rin daw 4Ps beneficiary ang tumatangging magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19.
Paliwanag ng opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nakasaad naman sa batas na ibibigay lang ang naturang subsidyo kapalit ng ilang kondisyon. Ilan sa mga kondisyong ginagawa ngayon para mabigyan ng ayuda ang pagpunta sa health center, pagpapapurga, pagpapapasok ng anak sa paaralan atbp.
Nakasumite na rin daw sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang naturang mungkahi pagdating sa pag-ipit ng cash grants sa mga wala pang COVID-19 vaccines.
"Meron naman hong probisyon doon kung paano magkakaroon ng pag-aamyenda ng batas. Ang sa tingin ko naman po ay isang balidong dahilan na i-require ang vaccination kapalit ng pagtatanggap ng 4P benefits. Pero 'yun lang po 'yung aking tingin dito," wika pa ni Roque.
"Habang hindi pa po naa-amend, that is a suggestion na dapat pang pag-aralan pa ng DSWD dahil ang DSWD naman po sang-ayon sa batas ang implementing agency ng 4Ps."
Una nang sinabi ng Department of Health na suportado silang gawing mandatory ang COVID-19 vaccinations para sa ilang bulnerableng sektor, pero kinakailangan pa ng batas bago ito magawa.
'Parusa sa dukhang napabayaan ngayong pandemya'
Pinagbabanatan naman ng ilang mambabatas ang naturang mungkahi ng DILG, habang idinidiing pagpaparusa ito sa mga mahihirap na biktima ng "pangit na COVID-19 response."
"Why punish the poor for the the government’s gravely incompetent and militaristic pandemic responses?" wika ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate nitong Linggo.
"What the people, the many poor especially, still needed now are adequate and massive health and medical education, as well as an information drive, so they may understand the necessity of vaccination."
Resulta rin daw ang pagdadalawang-isip nang publiko sa bakuna sa "maagang mishandling" ng COVID-19 pandemic na walang libreng mass testing, kulang ang gamot, atbp.
Sabi naman ni Sen. Risa Hontiveros, tumataas naman na mula 40% patungong "lampas 80%" ang gusto magpabakuna sa Metro Manila kung kaya't hindi na kailangan ng sapilitang pagpapaturok. "Basta't maayos ang paliwanag at may tiwala sa magpapaliwanag, magpapabakuna naman ang mga Pilipino," wika ng senadora.
Biyernes lang nang ilabas ng Social Weather Stations na mula sa 55% na gusto magpa-COVID vaccine nitong Hunyo, tumaas na ito sa 64% sa ngayon.
"It is contrary to the 4Ps law to withhold benefits or expel members who are not vaccinated. The DILG cannot just do that. That will be inhuman and totally insensitive," galit namang tugon ni Sen. Franklin Drilon.
"We cannot assume that they are not vaccinated because they refused vaccines. They are not vaccinated because they have limited access to vaccines especially in the countryside or the roll out remains slow or the vaccines available are not what the people prefer."
Banat naman nina Sen. Panfilo Lacson, hindi ito ang panahon para pagkaitan ng ayuda ang mahihirap gayong nangangahulugan ito na hindi nagawa ng gobyerno ang trabaho nito nang maayos. Pagpe-penalize naman daw ito sa mga "jabless jobless," tugon ni Sen. Joel Villanueva.