MANILA, Philippines — Iginiit ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na matindi ang korapsyon sa importasyon kaya patuloy ang pagpasok ng imported na produkto sa kabila ng sapat na suplay ng mga ito.
Sinabi ni Lacson na pinapatungan ng mga corrupt sa pamahalaan ang presyo ng mga imported na manok at baboy bago ito ibenta sa merkado.
“’Pag nabigyan ng quota merong lagay na 2 pesos. Ngayon siguro papalo na ‘yun ng mga 5 pesos per kilo. Eh when we’re talking of 100,000 metric tons, isipin mo kung gaano kalaking pera ang natatapon sa korapsyon. So, ‘pag hinaluan natin talaga ng kalokohan ang gobyerno walang mangyayari sa buhay natin,” dagdag ni Lacson.
Sinabi rin niya na patuloy lamang na nakikinabang ang mga foreigner dahil sa pag-iimport ng mga produkto ng bansa.
“Eh ang ating binibiling mga palay ang nakikinabang ‘yung mga importers karamihan hindi naman talaga natin mga kababayan dahil may mga partner na foreigners ano. At ito ang pumapatay sa ating mga magsasaka,” ani Lacson.
Samantala, sinabi ni senatorial aspirant Atty. Alex Lacson na may sapat na suplay ng manok at hindi na kailangang mag-import.
Aniya, dapat bigyan na lamang ng negosyo sa manukan at babuyan upang hindi na mag-import ng mga produkto.