MANILA, Philippines — Labis na binatikos ng isang kandidato sa pagkapangulo ang napipintong muling pagtataas ng presyo ng langis sa susunod na linggo, bagay na pinalalala raw ng "kawalang aksyon" dito ng gobyerno sa ngayon.
Ayon kay Leody de Guzman, kandidato sa pagkapangulo ng Partido Lakas ng Masa sa 2022, walong sunud-sunod na linggo na ang pagtataas ng presyo ng langis kung saan pumalo na sa P5.40 ang itinaas ng gasolina at P7.15 naman sa diesel kada litro.
Related Stories
"Babangon pa lang ang mga tsuper at ang masa na bumibiyahe tungo sa kanilang mga trabaho, hahambalusin bigla ng matinding pagtaas ng presyo ng langis," ani De Guzman sa isang pahayag, Biyernes.
"Siyempre, kasunod nito ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na mas lalong magpapahirap pa sa mga ordinaryong tao na kailangang magbayad ng mga inutang nila noong pandemya at mga pangangailangan nila sa kakarampot na kita nila."
Bilang unang tugon sa isyu, maaari raw:
- ibalik ang Pantawid Pasada program
Sa pangmatagalan:
- pagbabasura ng Oil Deregulation Law
"Ginagawang kutson ang mga tsuper - nagtitiis sa mas mataas na presyo ng langis pero hindi makapagtaas ng pamasahe dahil sa hirap na idudulot nito sa masa," dagdag pa ni De Guzman.
"Hindi ba dapat trabaho ng gobyerno na gumitna at ipagtanggol ang masa mula sa mga bilyonaryo? Magsimula tayo sa presyo ng langis – kontrolin ang ganid ng bilyonaryo."
Kilalang aktibista at chairperson ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, matatandaang naghain ng kanyang certificate of candidacy si De Guzman para sa pagkapangulo nitong Oktubre.
'Taas pasahe makatutulong'
Paliwanag ng kandidato, nakakadismaya't tinanggihan daw ni Transport Secretary Arthur Tugade ang mga panawagan para sa pagtataas ng pamasahe, na siyang makatutulong daw sa mga namamasada sa gitna ng oil price hike.
Aniya, kailangan daw itong gawin para makaagapay sa mga tsuper na kailangang magbayad ng mas mahal na langis para makapagtrabaho.
Dagdag pa niya, talo ang lahat dito: pwede sa mga bilyonaryong may-ari ng kumpanya ng langis. Masakit daw isiping taumbayan na naman ang mag-aa-djust imbis na manghimasok na ang pamahalaan sa isyu.
Bagama't nakakatulungan nila ang ibang bahagi ng ligal na Kaliwa gaya ng pambansa demokratikong kilusan, kilalang tumututol ang militanteng jeepney drivers at operators gaya ng PISTON sa parehong pagtataas ng pamasahe at pagtataas ng presyo ng langis sa kasaysayan, lalo na't pagbabanggain daw nito ang interes ng konsyumer at mga tsuper.
Paalala ni De Guzman, pahirap din ang patuloy na paggamit ng langis lalo na't nakaaambag ito sa climate change at pinsala sa kalusugan — maliban sa mahal na singil. Mas mainam daw na isulong ang renewable energy at electric vehicles kung maaari.
Kanina lang nang kumpirmahin ni De Guzman sa Philstar.com na maglalabas siya ng listahan ng senatorial slate sa darating na 2022 elections bago o sa mismong araw ng Lunes.