MANILA, Philippines — Pormal nang inanunsyo ng isang partido ang pagkandidato ng isang dating bise presidente sa pagkasenador, bagay na ihahain daw ng nabanggit bago magtapos ang linggo.
Ang naturang pahayag ay inilabas ng United Nationalist Alliance (UNA) sa ikalimang araw ng filing ng certificates of candidacy (COC) para sa 2022 national elections.
Related Stories
"Former Vice President Jejomar Binay will run for the Senate under the United Nationalist Alliance (UNA)," ayon kay acting UNA secretary general JV Bautista.
"We welcome and are very grateful for the support extended to the former vice president by other political parties, and for him being invited to be part of their senatorial slate."
Nitong Hulyo lang nang sabihin ni Senate President Vicente "Tito" Sotto na tatakbo sa ilalim ng slate nila ni presidential aspirant Sen. Panfilo Lacson si Binay, na isang dating human rights lawyer.
Matatandaang tumakbo sa pagkapangulo si Binay noong 2016 ngunit natalo kay dating Davao City Mayor at ngayo'y Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinasabing ihahain ni Binay ang kanyang kandidatura sa Commission on Elections ngayong Huwebes.
"At the moment, nothing has been finalized yet and UNA is still in talks with other organizations/political groupds and is in the process of adopting senatorial candidates from these parties who share UNA's vision and platform of government," patuloy ni Bautista.
Dating multi-party electorial alliance ang UNA, bagay na pumalit sa dating UNited Oppossition coalition para sa 2013 midterm elections.
Gayunpaman, muli itong ni-launch bilang isang single political party noong Hunyo 2015 ni Binay para sa kanyang pagkandidato sa pagkapangulo noong 2016.