Nag-aalaga ng manok dumadaing na sa dami ng imported na karne
MANILA, Philippines — Dumadaing na ang mga may manukan sa bansa dahil sa dami ng mga imported na karne na inaangkat sa bansa.
Apektado na umano ang mga manukan rito dahil nawawalan na ang mga ito ng hanapbuhay at napupunta na lamang ang kita sa mga imported na karne.
“Apektado tayong magmamanok, dahil sa mga pumapasok na imported. Wala na tayo ditong nabebentang ‘yung para sa atin…nawawalan na nang hanapbuhay ‘yung mga ano dito. Dahil nga pinapasok ng mga imported,” wika ni Jose Real, magsasaka sa Bulacan.
Sabi pa ni Real, kailangan pagtuunan ng pansin ang sariling produkto ng bansa kaysa sa mga imported.
Paglilinaw niya, hindi naman masamang mag-import ng karne kung kulang ang supply nito. Pero hindi anya solusyon ang importation kung sakaling hindi maging sapat ang supply.
Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang supply ng manok sa bansa ngunit patuloy pa rin ang pag-aangkat ng mga imported na karne.
“Kumikita dun ‘yung mga negosyante kase mababa ang tax nun natatalo ‘yung sariwa, dapat ‘yun i-ban nila bawasan ‘yung importasyon kasi nata-tax, karamihan ng restaurant, ‘yun ang ginagamit, imported, imbes na sariwa ang kukuhanin, sa imported sila, kasi ang laki ng diperensya,” sabi rin ni Carlos Gonzaga, nagtitinda ng manok sa Farmer’s Market.
- Latest