Cebu, Philippines — Pinayuhan kahapon ni Tourism Secretary Berna Romulo Puyat ang mga may-ari ng resorts at iba pang destinasyon na hingiin bilang ‘requirements’ sa kanilang mga kustomer ang negatibong RT-PCR COVID-19 test upang matiyak ang kaligtasan laban sa virus.
Sinabi ni Puyat na nakatanggap sila ng ulat na ilang mga resorts ay naghahanap lang ng negatibong antigen tests sa kanilang mga kustomer.
Ngunit sinabi ng kalihim na ang problema sa antigen tests ay maraming ‘false negative’ na resulta na dahilan para magkumpiyansa ang isang indibiduwal.
Itinutulak din ni Puyat na magkaroon ng mas murang RT-PCR tests para sa mga turista lalo na ang mga pami-pamilya para buhayin ang industriya ng turismo.
Samantala, ibinibigay na ni Puyat sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan ang pagdedesisyon kung hihingan pa ng RT-PCR test ang isang indibiduwal na ‘fully-vaccinated’ na.