MANILA, Philippines — Sang-ayon si dating Sen. JV Ejercito na isa lang sa kanila ng kapatid na si dating Sen. Jinggoy Estrada ang dapat kumandidato sa pagkasenador sa susunod na taon, para na rin maiwasang maulit ang nangyari noong 2019.
Ito ang pahayag ni JV, anak ng napatalsik na dating Pangulong Erap Estrada, matapos ilutang ni Jinggoy ang planong pagtakbo uli sa Senado sa 2022. Noong eleksyon kasi, nagsabay sila at parehong natalo sa parehong posisyon.
Related Stories
"I'm still thinking about it. I'm giving myself until October which is the deadline [of filing for certificate of candidacy], because... my brother has already said that he intends to run. So it will be 2019 all over again," ani Estrada, Biyernes, sa panayam ng ANC.
"Of course, I'm thinking, 2019 should be a lesson for both of us. It's really almost impossible for two members of the family to win in any election... Just hoping, I agree with him. There should only be one Estrada."
Ani JV, nakakapanghinayang lang daw kasing naipasa niya ang Universal Healthcare Law at batas na nagtatayo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) kung wala siya sa mismong implementasyon, bagay na pwedeng maging "half-baked" daw.
Una nang nagsisihan ang magkapatid kung bakit pareho silang hindi nakasungkit ng pwesto dalawang taon na ang nakalilipas dahil sa agawan ng boto at 12 seats.
Ang kapatid niyang si Jinggoy, na dating aktor, ay kumakaharap pa rin sa kaso ng pork barrel scam. Gayunpaman, lumakas daw ang kanyang loob nang i-abswelto ng Sandiganbayan para sa graft at plunder cases si Sen. Bong Revilla para sa parehong isyu kaya nais tumakbo uli.
Political dynasties at Senado
Aminado si JV na "political dynasty" ang kanilang political family. Kilala kasing balwarte ng mga Estrada at Ejercito ang Lungsod ng San Juan at Maynila, kung saan tumatakbo ang kanilang mga kamag-anakan.
Isa rin daw ito sa mga dahilan kung bakit nais niyang bawasan ang tumatakbo sa kanilang angkan para na rin mabigyan ng pagkakataon ang iba.
"Although admittedly, I belong to a political family, sabihin na nating dynasty, but I still believe that [in] 110 million Filipinos, nobody has the monopoly in power be it economic or political," dagdag niya.
"We have to give chance to others as well. Hindi naman natin monopolyo 'yan eh. I'm just really passionate about this, I had that chance, I had that opportunity to pass some very good laws... but I really wanted to be there in the implementation."
Dagdag pa niya, pare-pareho lang silang magsasayang ng oras, pera at hirap kung sabay-sabay tatakbo. Kahit hanggang sa lebel ng mga konsehal, mahirap din magpananalo kung sabay-sabay mangangandidato.
Sa kasaysayan, nagkaroon na ng dalawang Cayetano (Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano), dalawang Estrada (Jinggoy Estrada at Loi Ejercito) sa Senado. May usap-usapan ding tatakbo si Public Workers and Highways Secretary Mark Villar sa pagkasenador, habang nanunungkulang ang inang si Sen. Cynthia Villar.
Matagal nang sinusubukang magpasa ng anti-dynasty bill sa parehong Kamara at Senado, pero hindi ito makalusot-lusot, lalo na't maraming pulitiko ang nasa political families.