^

Bansa

'Hanggang Hunyo 2022': Pilipinas hindi tutulong sa anumang ICC investigation

James Relativo - Philstar.com
'Hanggang Hunyo 2022': Pilipinas hindi tutulong sa anumang ICC investigation
Sa file photo na ito, nagtitirik ng kandila ang ilang tao upang iprotesta ang "hindi makatarungang" pagpatay sa mga biktima ng drug war sa Pilipinas
The STAR/Miguel de Guzman, File

MANILA, Philippines — Walang kooperasyong maaasahan mula sa gobyerno ng Pilipinas ang International Criminal Court (ICC) hangga't nakaupo sa poder si Pangulong Rodrigo Duterte, ngayong nire-request ng korte ang imbestigasyon sa reklamong "crimes against humanity" sa madugong gera kontra droga ng bansa.

Lunes nang ianunsyo ni outgoing ICC prosecutor Fatou Bensouda na natapos na nila ang preliminary examination sa sitwasyon ng Pilipinas, kung kaya'y humihingi na siya ng "judicial authorization' para magsimula ng imbestigasyon.

"Hinding-hindi magco-cooperate ang presidente hanggang [matapos] ang kanyang termino sa June 30 of 2022," ani presidential spokesperson Harry Roque, Martes, dalawang taon matapos kumalas ng bansa sa ICC.

"Hindi po natin alam kung ano nang magiging polisiya after 2022. 'Yan po ay bibigyang kasagutan ng susunod na presidente ng Pilipinas." 

Aniya, sasayangin lang nina Bensouda ang kanilang rekurso dahil walang iaabot na kooperasyon ang estado ng Pilipinas. Hindi rin daw makakabuo ng kaso kung "hearsay" o sabi-sabi lang ang ebidensya mula sa mga "komunista't mga kalaban ni Duterte".

'Yan ay kahit libu-libo na ang naitatalang patay ng Commission on Human Rights iba pang rights groups pagdating sa estado ng karapatang pantao at drug war sa Pilipinas — ang ilan sa kanila, napatunayang inosente.

Dagdag pa ng Malacañang, sinasamantala ito ng mga "gustong tumakbo sa pagkapangulo o bise" sa 2022 kung kaya't pamumulitika lang ito. Isa si dating Sen. Antonio Trillanes IV sa mga nagpadala noon ng komunikasyon sa ICC pagdating sa drug war, na una nang nagsabing baka tumakbo siya sa pagkapangulo sa 2022.

Ginagawa rin daw ni Bensouda ang pagpapasilip sa Pilipinas dahil pinupulaan siyang panay kapwa niya Aprikano ang kanyang pinaiimbestigahan.

'Gumagana ang mga korte ng Pilipinas'

Sa April data ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), 6,117 na ang napapatay sa anti-drug operations magmula Hulyo 2016. Gayunpaman, iginigiit ni Roque na lehitimong mga operasyon ito at "hindi basta pagpatay ng sibilyan," bagay na kailangan daw kung crime against humanity ang reklamo.

Labag din daw sa prinsipyo ng "complimentarity" at "legally erroneous" ang plano ng ICC prosecutor lalo na't dapat lang daw itong manghimasok kung hindi na gumagana ang isang gobyerno.

"[A]ng korte [ng ICC] ay gagalaw lang kapag walang mga domestic na mga institutsyon na maaaring mag-imbestiga. Hinding-hindi po tayo pumayag na ang ICC ang magsu-substititute sa ating lokal na piskal at lokal na hukuman," dagdag pa ni Roque.

"Insulto po kasi sa lahat ng Pilipino para sa isang dayuhan gaya ni Bensouda... na magsabi na ang mga ligal na institusyon natin sa Pilipinas ay hindi gumagana at hindi nagbibigay katarungan. Insulto po 'yan."

Bilang katunayan, marami pa nga raw nakabinbing kaso gaya ng marami nga pong kaso sa mga lokal na hukuman gaya ng murder na inaaksyunan naman ang mga writ of Amparo, writ of habeas corpus.

Hindi naman masagot ng Palasyo kung bakit hindi na lang nila hayaang mag-imbestiga ang ICC kung kumpiyansa itong wala silang pananagutan.

Hindi rin naiwasan ni Roque na tawaging "legal fronts" ng Communist Party of the Philippines-New People's Army ang mga bokal laban sa extrajudicial killings sa Pilipinas. Kilalang nakikipagtulungan ang National Union of People's Lawyers at Karapatan sa mga naulilang biktima ng drug war, na nagpadala rin ng kanilang komunikasyon sa ICC pagdating sa mga patayan.

Madalas gumamit ng red-tagging ang pamahalaan laban sa kanilang mga kritiko, bagay na nauwi na sa pagkamatay ng maraming aktibista.

'Impunity' sasagasaan ng posibleng ICC probe

Ikinatuwa naman ng sari-saring human rights groups ang mga naturang development lalo na't nabubuksan aniya ang pintuan para sa posibleng katarungan sa mga biktima at kanilang mga pamilya. Ilan na nga sa mga nagsalita ay ang Human Rights Watch, Amnesty International atbp. 

"The ICC's intervention must end this cycle of impunity in the country and send a signal to the police and those with links to the police who continue to carry out or sanction these killings that they cannot escape being held accountable for the crimes they commit," ani Agnès Callamard, dating UN special rapporteur on extrajudicial killings at secretary general ng Amnesty International.

Nakikiusap naman ngayon ang grupong Karapatan para pagbigyan ng ICC Pre-Trial Chamber ang request ni Bensouda na pagulungin ang mga imbestigasyon. Umaasa rin ang grupong ipagpatuloy ni Karim Khan, ang papalit kay Bensouda, ang pagtutok sa "human rights crisis" ng Pilipinas nang mapanagot sina Duterte pati na ang iba pang mga opisyal.

Idinidiin din ngayon ng CHR na dapat makipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa ICC lalo na't may jurisdiction ito sa mga diumano'y crimes against humanity mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.

HARRY ROQUE

HUMAN RIGHTS

INTERNATIONAL CRIMINAL COURT

RODRIGO DUTERTE

WAR ON DRUGS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with