MANILA, Philippines — Pinatutugis na ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga nasa likod ng pagbebenta ng COVID-19 vaccination slots sa mga lungsod ng Mandaluyong at San Juan.
“Tutugisin natin para panagutin sa batas ang mga pasimuno at gumagawa ng ganitong modus. As per directive of our SILG Eduardo Año, I have ordered the Criminal Investigation and Detection Group to identify and arrest the person or persons behind these scams. Inatasan din natin ang CIDG na makipag-ugnayan sa ating mga LGUs (Local Government Units ),” pahayag ni Eleazar.
Nauna rito, isang concerned citizen sa Mandaluyong City ang nagsumbong matapos na makatanggap ng mensahe mula sa isang college friend na umano’y nag-aalok ng COVID-19 vaccine slots sa halagang P12,000 hanggang P15,000.
Pinabulaanan naman ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos na may nagaganap na ganitong bentahan ng vaccine slots sa lungsod at hinikayat ang mga residente na kaagad isumbong sa kanilang tanggapan kung may nalalaman silang ganitong katiwalian.
Giit pa ni Abalos, libre lamang ang bakuna at kahit na slot lamang ang ipagbibili ay hindi pa rin ito makalulusot sa kanila.
Sinabi pa ni Abalos na mahigpit ang mga panuntunan na ipinatutupad nila sa kanilang vaccination program at ang mga residente ay kailangang magpa-pre-register muna sa kanilang MandaVax platform upang makapag-secure ng slot.
“Hindi sila makakakuha ng slot kapag hindi ka natawagan o wala ka sa line list. Screening pa lang, doon pa lang makikita na kung wala ka sa listahan, talagang pinauuwi. Hindi ka talaga babakunahan kasi doon pa lang mahigpit na. Pagdating mo pa sa screening siyempre may mga list yan,” dagdag niya.
Sakaling hindi sumipot ang residenteng nakareserba para sa slot, ay magkakaroon ito ng substitute, ngunit hindi rin basta kung sino lamang, kundi dapat na nagmula rin sa A1 (medical frontliner), A2 (senior citizen) at A3 (persons with comorbidity) category.
Samantala, sa panig naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora, sinabi nito na aware sila sa naturang scam ngunit nilinaw na hindi sangkot dito ang San Juan Vaccination Team.
Aniya, ang San Juan ay mayroong online system kung saan maaaring magparehistro ang mga kuwalipikadong residente para sa bakuna.
Tiniyak naman ng DILG na papatawan ng ‘full force of the law’ ang mga sangkot na indibiduwal.
Babala pa nito, sasampahan nila ng patung-patong na kaso ang mga taong responsable sa naturang ‘pagnanakaw’ ng mga bakuna sa pamahalaan.