MANILA, Philippines (Updated 6:19 p.m.) — Kahit madisgrasya ka sa bahay habang "work from home" sa gitna ng coronavirus disease pandemic, pwede ka nang makatanggap ng benepisyo mula sa gobyerno.
Ito ang inanunsyo ng Employees' Compensation Commission (ECC), Martes, sa pamamagitan ng Board Resolution 21-03-09 — bagay na kinumpirma na rin ng Department of Labor and Employment. Sinasabing ika-11 ng Marso pa ito aprubado.
Related Stories
The Department of Labor and Employment in a briefing announced that the Employees Compensation Commission issued a Board Resolution that will compensate employees who experience WFH injuries and diseases within their residences and during performance of work. @bworldph
— Gillian Cortez (@gmcortez_) May 19, 2021
Ayon sa ECC, sasaklawin nito ang mga empleyado sa loob ng pampubliko't pribadong sektor na makararanas ng "disability" o pagkamatay dahil sa mga injuries na matatamo habang ginagawa ang kani-kanilang mga trabaho kahit na nasa bahay lamang.
"The ECC saw a need to initiate this policy in response to the changing landscape of work and definition of workplace, propelled by the development in telecommunications and innovations in computer technology," ani ECC executive director Stella Zipagan-Banawis kahapon.
"Employees who are working from home are not exempted from possible work-connected disabilities or deaths due to injury-related incidents. We need to extend our benefits to cover work-connected injury or death that they may suffer while in the performance of their duties or specific tasks at their residences or dwelling places."
Matatandaang itinulak ng pandemya ang mga trabaho na lumikha ng kanya-kanya nilang alternative work arrangements gaya ng WFH para na rin makaiwas sa hawaan ng COVID-19 ang kani-kanilang mga empleyado't manggagawa simula Marso 2020.
Dahil diyan, marami ang remote kung magtrabaho sa pamamagitan ng internet mula sa sariling tahanan, gamit ang sariling internet, sa labas ng kanilang karaniwang pisikal na opisina.
Kanina lang din nang sabihin ng ECC na kasama na ang pagkakaroon ng COVID-19 sa listahan ng mga occupational at work-related diseases na sakop ng kanilang compensation program.
Anu-anong benepisyo ba 'yan?
Ayon sa Board Resolution 21-03-09, ilan sa pwedeng i-avail ng mga naturang manggagawa ay ang:
- loss of income benefits
- medical benefits
- death and funeral benefits
- rehabilitation services sa ilalim ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program
Kasama sa tinutukoy na rehabilitation services ang:
- libreng physical, speech o occupational therapy
- assistive devices
- livelihood training
- tulong pinansyal
Sa kabila niyan, wala pang kopya ng naturang resolusyon sa website ng ECC kung kaya't wala pang pigura kung magkano talaga ang matatanggap na pinansyal na tulong.
"We hope, with this new policy, we can provide more assistance to our workers and address their needs especially during this trying time," dagdag ni Banawis.
'Welcome development pero mapapaigi pa'
Ikinatuwa naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang mga panibagong benepisyo na ito sa gitna ng pandemya. Gayunpaman, may ihuhusay pa raw ito para talagang matulungan ang mga manggagawang lubahang naapektuhan ng krisis.
Ani KMU national chairperson Ka Elmer "Bong" Labog, napwersa lamang ang EEC na maglabas ng ganitong resolusyon dahil na rin sa tindi ng panawagan ng kilusang-paggawa sa ngayon.
"Bagamat matagal na sana itong ginawa, dapat na matamasa ito ng lahat ng manggagawa at walang mahihirap na requirements. Dapat maging accessible ito sa lahat ng manggagawa at mabilis na maipatupad," ani Labog ngayong Miyerkules.
"Kasunod nito, pakinggan din ang iba pang panawagan ng manggagawa. Dapat ibigay na ang 100 daily wage subsidy para sa mga manggagawa. Bigyan ng ayuda ang mga manggagawang hirap na hirap na pagkasyahin ang kakarampot na sahod."
Bukod pa riyan, nararapat lang din daw na ipasa na ang "paid pandemic leave" at tiyaking ligtas sa lugar paggawa, kasabay ng mass testing at bakuna para sa mga manggagawang bulnerableng nagbubuwis ng buhay maitaguyod lang ang pamilya't ekonomiya.
Nangyayari ang lahat ng ito ngayong nasa 1.15 milyon na ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, pumanaw na ang 19,507. — may mga ulat mula sa BusinessWorld