MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na tatapusin ang tinaguriang ‘state of the art” na Bicol International Airport (BIA) na nagkakahalaga ng P4.5 bilyon sa Daraga, Albay bago magtapos ang 2021.
Ayon kay 2nd District Albay Rep. at House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, binisita at ininspeksyon na nila ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang proyekto nitong linggo.
Sinabi ni Tugade, na ang gusali ng airport terminal ay nasa 92% na ang yari at inaasahang matatapos sa pagitan ng Hunyo at Hulyo habang ang iba pang bahagi nito ay nasa 65-75% na ang natatapos.
Sinabi naman ni Salceda, chairman ng House Ways and Means committee at siyang nagpasimula sa proyekto halos dalawang dekada na at matiyagang nagtutulak nito, ang BIA ay isa sa mahahalagang susi para maibsan ang lupit na COVID pandemic sa ekonomiya ng bansa.
Kabilang anya ito sa ‘Build, Build, Build Program’ ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na makakatulong sa pagbangon ng sumadsad na ekonomiya.
Kapag nabuksan na ang BIA ay isasara naman ang Legazpi City Domestic Airport.
Inaasahang nasa 2 milyong pasahero ang masi-serbisyuhan ng BIA sa isang taon, na ang 1.4 milyon ay mga lokal at 700,000 ay mga dayuhan.
Inaasahan ding pipiliin itong destinasyon at dadayuhin ng mga turista lalo na kapag natapos na ang pandemic dahil ang BIA ay malapit lamang sa makasaysayang ‘Cagsawa Ruins’ habang nasa likod naman nito ang Mayon Volcano.