Mahuhuling quarantine violators ‘wag saktan – Eleazar
MANILA, Philippines — Mariing iniutos ng bagong PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar na huwag sasaktan at parurusahan ang mga maaarestong quarantine violators partikular na ang mga walang suot na face mask.
Tiniyak din ni Eleazar sa publiko na irerespeto ng kapulisan ang karapatang pantao ng sinumang inbibiduwal at ipatutupad rin ang maximum tolerance sa mga maarestong pasaway.
Ginawa ni Eleazar ang pahayag nang matanong kung paano ipatutupad ng PNP ang kautusan ni Pangulong Duterte na arestuhin at ikulong ang mga quarantine violator na walang mga suot na face mask o hindi tama ang pagsusuot ng mask.
Batay sa kaniyang karanasan bilang commander ng Joint Task Force COVID Shield, sinabi ni Eleazar na ang infection rate ay bumababa sa tuwing naghihigpit sa quarantine measures sa Metro Manila at mga karatig nitong lugar na kinabibilangan ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.
Noong nakalipas na taon matapos na tumaas ang kaso ng COVID sa Cebu City ay idineploy dito ang Special Action Force (SAF) commandos na nagpatupad ng mahigit na quarantine protocols hanggang sa bumaba ang infection rate sa lungsod.
Sinabi ni Eleazar na ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa NCR Plus matapos ang paglobo nito noong Marso ay patunay na epektibo ang paghihigpit sa quarantine measures.
- Latest