MANILA, Philippines — Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi pa aprubado bilang gamot laban sa COVID-19 ang Leronlimab.
Ayon sa FDA, sa ngayon ay itinuturing pang ‘investigational product’ ang Leronlimab dahil kasalukuyan pang dumaraan ito sa clinical trials para magamit na panggamot sa Cancer at Human Immunodeficiency habang pinag-aaralan na rin kung maaring ipanggamot laban sa COVID-19.
Kamakailan lang nang isyuhan ng FDA ng Compassionate Special Permits (CSP) para sa Leronlimab ang ilang medical specialists para ipanggamot sa pas-yenteng may COVID-19.
Maaari lamang hilingin ang CSP ng physicians in charge o ng institusyon kung saan ginagamot ang pasyente, na may full responsibility para sa paggamit ng gamot.
Kailangang ipaalam sa pasyente ang investigational status ng gamot at magsumite ng report sa FDA sa kinalabasan o resulta ng pagbibigay ng gamot na ito sa pasyente.
Ang CSP ay iniisyu sa mga espesyalista at institusyon na magamit ang gamot sa specific at maliit na bilang lang ng pasyente, at balido lang sa loob ng isang taon.