TAYABAS CITY, Quezon, Philippines — Dalawa ang patay habang 15 pang katao ang sugatan sa malagim na aksidenteng kinasangkutan ng isang rumaragasang truck na nawalan ng preno at inararo ang 9 na iba pang sasakyan sa kahabaan ng Quezon Avenue, dito kahapon ng umaga.
Sa report ng Tayabas City police, kilala ang mga nasawi na sina Jeffrey Melchor Ferreras, 31-anyos, driver ng truck ng Concepcion, Tarlac at pahinanteng si Junathan Bacximen Simballa, 44, taga-Binondo, Manila.
Batay sa imbestigasyon, alas-9:30 ng umaga habang patungo sa direksyon ng city proper ang Elf Forward truck na minamaneho ng nasawi at tinatahak ang palusong na kalsada ng Quezon Avenue sa Brgy. Lalo nang mawalan ito ng preno. Unang nasalpok nito ang sinusundang isa pang Elf truck na sa lakas ng pagkasalpok ay naisulong at tumilapon sa isang bahay na nasa gilid ng highway.
Nagpatuloy sa pagtakbo ang humahagibis na truck sa gitna ng abalang lansangan at umabot sa lugar na sakop na ng Angeles Z-1 at nasagasaan pa nito ang iba pang sasakyan na kinabibilangan ng limang tricycle, dalawang motorsiklo at dalawang kotse, bago tuluyang sumalpok sa isa pang bahay.
Sugatan lahat ang 9 na driver ng mga binanggang sasakyan at ang isa sa mga pasahero ng isang tricycle at pahinante ng unang sinalpok na truck.
Sugatan din ang isa pang pahinante ng nawalan ng prenong truck at ang mga nakatira sa huling bahay na sinalpok na kinabibilangan ng isang 12-anyos na batang lalaki.