MANILA, Philippines — “It came like a thief in the night.” Iyan ang sabi ng isang Engliserong kausap ko tungkol sa COVID-19. At dahil wala ako sa mood makipagtalo nang sabihin niya iyon ay pinabayaan ko na lang siyang magbunyi sa inaakala niyang tamang paglalarawan sa pagkalat ng naturang pandemya dito sa atin.
Nobyembre ng taong 2019 ay nagbabala na ang mga diyaryo ng Star Group at iba pang media sa bagong sakit na nananalasa sa Tsina nang panahong iyon. Maraming bansa ang naalarma sa kaganapang ito, pero higit lalo ang Vietnam na agad ipinagbawal ang mga biyaheng galing Tsina. Kaagad din silang nagpatupad ng kwarantina sa buong bayan nila noong Enero 2020.
Habang nangunguyakoy ang mga eksperto sa gobyerno nati’y sunud-sunod na rin ang mga bansang nagbawal sa mga biyaheng galing Tsina.
Hindi sa bayan natin. Maaga raw masyado’t baka bumagsak ang ekonomiya natin. Sa maikling salita, nag-lockdown at kwarantina tayo sa ikatlong bahagi ng Marso 2020 nang may mga naitala nang kaso ng COVID-19. At alam na ninyo na ang istoryang sumunod doon.
Isang taon na ang nakalipas ay kwarantina pa rin tayo. Ang ekonomiyang pinoprotektahan nila ay tuluyan nang sumadsad. Milyun-milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho. Libu-libong negosyo ang nagsara. Tumaas ang presyo ng mga bilihin at lalong naghirap ang mga mahihirap. Maraming middle class pa na nawalan ng kabuhayan ang dumagdag sa mga hikahos.
Ngunit sabi ng gobyerno’y kaya ng Pinoy ang krisis na ito dahil tayo raw ay ‘resilient’. Walang direktang salin ang ‘resilient’ sa Filipino. Pwedeng ‘matibay’ o ‘matatag’ pero hindi huli ng mga katagang ito ang tunay na kahulugan ng ‘resilient’. Ang ‘resiliency’ ay ang katangian ng Pinoy na humarap at bumangon sa pagkakadapa sa mga dumadaang krisis.
Ito rin ang pinakabugbog na panawagan ng gobyerno sa Pinoy kapag hindi nila alam kung paano lulutasin ang problema.
Napapabuntong-hininga na lang tayo kapag sinasabi nilang kaya natin ito. Veerus ka lang, Pilipino kami!
At habang ang ibang bansa ay nagtuturok na sa mga mamamayan nila nang binili nilang COVID-19 vaccines ay pulos donasyong bakuna lang ang iniiniksyon sa mga frontliners natin.
Basta tayo maghintay lang sa mga inutang nating bakuna at magsuot na muna ng face mask at face shield.
Teka, bakit tayo lang ang bansang nag-oobliga ng pagsusuot ng face shield? Sino na naman ang kumita d’yan? Resilient!
Sa lingguhang presscon ng gobyerno tungkol sa pandemya’y mapapanood ang pagpapatawa ng tagapagsalita ng Malacañang na hinahaluan niya ng mga sarkastikong sagot sa mga tanong na hindi niya kayang sagutin.
Sa gitna ng pandemya, paglobo ng mga utang nating panlabas, pagdami ng walang trabaho, at paglala ng kahirapan ay patawa at pang-uuyam ang madidinig natin galing sa gobyerno.
Siguro’y naniniwala sila sa kasabihang Ingles na “Laughter is the best medicine.” Pero maraming Pinoy ang hindi tumatawa. Kasali ako. At komikero pa ako. Mabuhay ang Resiliency!
Siyanga pala, maligayang ika-35 na anibersaryo ng Pilipino Star NGAYON!