3 pinagpipiliang susunod na chief justice

MANILA, Philippines — Bumaba sa tatlo na lamang ang pagpipilian bilang mga kandidato na hahalili kay Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta sa nalalapit niyang pagreretiro ngayong katapusan ng Marso.

Natira bilang mga nalalabing kandidato para mamuno sa pinakamataas na korte sa bansa sina Justices Estela Perlas Bernabe, Alexander Gesmundo at Ramon Paul Hernando, ayon kay SC spokesperson Brian Keith Hosaka.

Nabatid na ang tatlo lamang ang nakakumpleto ng mga requirements para sa aplikasyon bago matapos ang palugit nitong nakalipas na Pebrero 26 na itinakda ng Judicial and Bar Council (JBC).

Si Gesmundo at Hernando ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa SC noong Agosto 2017 at Oktubre 2018, ayon sa pagkakasunod. Si Bernabe na siyang pinaka-senior sa tatlo ay itinalaga ni dating Pangulong Benigno Aquino III noon pang Setyembre 2011. 

Isasagawa ang ‘public interview’ sa tatlong aplikante sa dara­ting na Marso 10.

Nakatakdang magretiro si Peralta sa kaniyang ika-69 kaa­rawan sa Marso 27, mas maaga ng isang taon sa kaniyang mandatory retirement age para sa mga huwes at mahistrado.

Show comments