^

Bansa

FDA: Sinovac vaccine 'not recommended' sa health workers, seniors kahit EUA nakuha

James Relativo - Philstar.com
FDA: Sinovac vaccine 'not recommended' sa health workers, seniors kahit EUA nakuha
Nagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19 vaccine (CoronaVac ng Sinovac) si Hong Kong Chief Executive Carrie Lam, ika-22 ng Pebrero, 2021
AFP/Anthony Wallace

MANILA, Philippines — Nagawaran na ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) ang coronavirus disease (COVID-19) vaccine na gawa ng Chinese drug maker na Sinovac — kaso, hindi ito inirerekomendang iturok sa mga sektor na pinakaprayoridad sanang mabigyan nito.

'Yan ang inilahad ni FDA director general Eric Domingo sa katatapos lang na Laging Handa briefing na iniere ngayong Lunes sa state-owned media.

Ang EUA ay authorization na ibinibigay ng FDA sa mga bakuna para magamit agad sa panahon ng "public health emergency" kahit na wala pang pormal na rehistro.

"After a thorough and rigorous review of the currently available published and unpublished data by our regulatory and medical experts, the FDA is granting an [EUA] to the COVID-19 vaccine of Sinovac," ani Domingo.

Kanina lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na umaasa silang durating agad sa Pilipinas ang COVID-19 vaccines mula Tsina ngayong linggo bago matapos ang Pebrero.

Una nang nangako ng 600,000 doses ng Sinovac vaccines ang Beijing sa Pilipinas, kung saan 100,000 ang mapupunta sa mga militar.

Inaasahang sa katapusan ng Pebrero naman darating ang unang batch ng bakuna mula AstraZeneca habang wala pang katiyakan ang petsa ng pagdating ng Pfizer vaccines.

Bawal sa health workers, senior citizens

Lumalabas sa interim data ng Phase 3 trials nito na nasa 65.3% (Indonesia)  hanggang 91.2% (Turkey) ang efficacy rate nito sa "clinically healthy" na mga tao sa pagitan ng 18-59 taong-gulang.

Kilala rin sa tawag na "CoronaVac," mas mababa ang efficacy rate nito kapag ginamit sa mga manggagawang pangkalusugan na exposed sa COVID-19 — nasa 50.4% lang: "Therefore, it is not recommended for use in this group," patuloy ni Domingo kanina.

Nangyayari ito kahit na frontline healthcare workers at senior citizens edad 60-anyos pataas ang top 1 at top 2 priority ng COVID-19 vaccines.

Basahin: LIST: Priority population groups for COVID-19 vaccination

"The vaccines shall be administered only by vaccination providers, and used only to prevent COVID-19 in clinically health individuals aged 18-59 years," patuloy ni Domingo.

Sa kabila niyan, napatunayan naman daw ng naturang gamot na "mas matimbang ang benepisyo nito kaysa sa potensyal na kapinsalaan."

Idiniin din ni Roque na "hindi low quality" ang mga bakuna ng Sinovac lalo na't pasok pa rin naman daw ito sa threshold na itinakda mismo ng World Health Organization (WHO).

Inilinaw ng FDA na hindi "marketing authorization" o "certificate of product registration" ang EUA. Dahil diyan, bawal itong ibenta sa publiko. Aniya, tanging sa DOH, NTF, atbp. partners lang ito maaaring ibenta sa ngayon.

Economic frontliners mauuna sa turok?

Dahil hindi maaaring ibigay sa senior citizens at healthcare workers ang Sinovac na inaasahang unang bakuna na darating sa Pilpinas, sinabi ni Roque pagpupulungan muna ito ng National Immunization Technical Advisory Group.

"Siguro kinakailangan po nilang baguhin ang list of priorities para sa Sinovac. Ang uunahin nila, [ang militar na bibigyan ng 100,000 doses]," ayon sa tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Malamang sa malamang ay mauna na rin daw na turukan ng COVID-19 vaccines ang mga "economic frontliners" na nagtratrabaho sa mga industriya na bukas noong panahon ng enhanced community quarantine.

Kasama sa economic frontliners na sinasabing baka unahin sa immunization ang: transport workers, magsasaka, minero, mangingisda, atbp. ani Roque.

Dahil hindi pa pwede maturukan ng COVID-19 ng Sinovac si Duterte, na 75 years old na, binanggit naman ni Roque na "prefer" ngayon ng presidente ang gawa ng Sinopharm.

Sa huling ulat ng Department of Health nitong Linggo, umabot na sa 561,169 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na sa bilang na 'yan ang 12,088.

COVID-19 VACCINE

FOOD AND DRUG ADMINISTRATION

HARRY ROQUE

NOVEL CORONAVIRUS

SINOVAC

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with