Simula noong Nobyembre
MANILA, Philippines — Naitala ng state weather bureau na PagAsa nitong madaling araw ng Linggo, ang pinakamalamig na temperatura sa Metro Manila simula noong Nobyembre.
Batay sa tala ng PagAsa, dakong alas-5:00 ng madaling araw nang umabot sa 19.3 degrees Celsius ang temperatura sa Metro Manila.
Ipinaliwanag ni PagAsa weather forecaster Raymond Ordinario na epekto ito ng hanging amihan.
“Ito ‘yong hangin na galing dito sa mainland Asia o sa mainland China na during this time na spring na kasi. Ibig sabihin, natutunaw na ‘yong ibang yelo so malamig ‘yong hangin na galing sa Tsina na dumidiretso dito sa atin,” paliwanag ni Ordinario.
Samantala, nakapagtala rin naman nang malamig na temperatura sa iba pang panig ng bansa, kabilang ang Baguio City (9 degrees Celsius); Tanay, Rizal (16.5 degrees Celsius); Tuguegarao City (17.7 degrees Celsius); Laoag, Ilocos Norte (16.8 degrees Celsius); Basco, Batanes (17 degrees Celsius); at Benguet (7.9 degrees Celsius).
Nabatid na kalimitang nagtatagal ang panahon ng amihan hanggang katapusan ng Pebrero.
Gayunman, dahil bumubugso pa rin ito ay maaari umanong umabot pa ang malamig na panahon hanggang ikalawang linggo ng Marso.