MANILA, Philippines — Ipinag-utos umano ni Pangulong Duterte na unahing bakunahan ang mga sundalo at mga kapulisan ‘pag dumating na sa bansa ang bakunang donasyon ng China na Sinovac.
Sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go, na pinagbilinan siya ni Pangulong Duterte na sa sandaling dumating ang Sinovac ay gawing prayoridad na bakunahan ang mga sundalo at mga kapulisan.
Ayon pa kay Go, ito ang gusto ng Pangulo dahil kabilang din ang mga sundalo sa mga itinuturing na frontliners.
Idinagdag pa ni Go, na base kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., ay inaayos na ang mga papeles ng AstraZeneca vaccines na mula sa COVAX, subalit mayroon lamang iko-comply ang gobyerno dito.
Mauuna pa rin umano ang mula sa Pfizer na bahagi pa rin ng COVAX at ang kasunod ay ang Sinovac na mula sa China.
Bukod sa mga sundalo at mga kapulisan ay inirekomenda rin umano ng senador sa Pangulo at kay Galvez na isama sa prayoridad na bakunahan ang mga atleta na sasabak sa summer olympics sa Japan at SEA games sa Vietnam.
Ito ay dahil kailangan na umanong magsanay ng mga atleta na magbibigay ng karangalan sa bansa.
Base sa pag-aaral, mas higit na epektibo para sa coronavirus na ginawa ng Pfizer-Bionte3ch at Moderna na mayroong 95% efficacy, gayundin ang Sputnik V ng Russia na 91% efficacy habang ang AstraZeneca ay 70%, Sinovac 50.4% at Sinopharm, 79.34% efficacy.