MANILA, Philippines — Mas mag-iingat at magsasagawa muna ng masusing imbestigasyon ang sandatahang lakas bago mag-ugnay ng kung sinu-sino sa rebeldeng New People's Army (NPA) at Communist Party of the Philippines (CPP), pagtitiyak ng bagong chief-of-staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Lt. Gen. Cirilito Sobejana.
'Yan ang sabi ni Sobejana, Martes, ilang linggo matapos maglabas ang AFP ng mali-maling listahan ng mga UP alumni na "nag-NPA" kuno.
Ilang araw pa lang din nang akusahang "tumutulong sa terorista" ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. ang isang Inquirer reporter na nagbabalita lang.
Basahin: Militar nag-sorry sa UP alumni na inilistang NPA kahit hindi naman
May kinalaman: Parlade sticks to guns on comment vs reporter
"We should learn from our mistakes. We need to rectify and be deliberate in all our actions," banggit ng bagong pinuno ng AFP sa Laging Handa briefing, Martes.
"We have to exercise due diligence para lahat ng sinasabi natin, we are very sure with concrete evidence rather than just making statements. Mahirap na bawiin, nasaktan mo na 'yung subject."
AFP Chief of Staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana promises they would be more careful in releasing information, following criticisms of the faulty information in a red-tagging list. pic.twitter.com/rfRORseuoJ
— ONE News PH (@onenewsph) February 9, 2021
'Tila sumobra' sa pag-red tag
Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na tila "sumobra" si Parlade sa kanyang mga pahayag matapos sabihing "tumutulong sa mga terorista" dahil sa "pagpapakalat ng kasinungalingan" ang nasabing Inquirer reporter.
Pinaiimbestigahan na ni Sobejana si Parlade para alamin kung may basbas ng strategic communication committee ng NTF-ELCAC ang kanyang pahayag laban sa nasabing peryodista, na noo'y nagsusulat tungkol sa petisyon ng dalawang "tortured" Aeta laban sa Anti-Terrorism Act of 2020. Kasalukuyang dinedebate ngayon sa Korte Suprema ang nasabing batas.
"We should be very careful. Ang default is that everybody is our friend. As we do our job... malalaman natin kung sino 'yung mga enemies of the state," dagdag ng AFP chief.
"Once they are accurately identified, we have to exert our effort... na ma-win over natin itong mga threat to our national security."
NTF-ELCAC, red-tagging at activist deaths
Kahapon lang nang hilingin ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang tulong ng Commission on Human Rights (CHR) upang masilip ang aniya'y papel ng NTF-ELCAC sa pagkamatay ng isang magsasaka sa Norazagaray, Bulacan noong nakaraang linggo, matapos hindi makauwi sa pamimitas ng saging.
"We believe that the NTF-ELCAC is complicit in the murder of Rommy Torres. Armed representatives of the red-tagging task force have repeatedly harassed Torres and his fellow farmers," ayon kay KMP National chairperson Danilo Ramos kahapon.
"Their brazen actions have at least emboldened the goons directly responsible for the crime."
Sinasabing aktibong miyembro ng Samahan ng Magsasaka sa San Mateo (SAMA-SAMA) si Torres, isang grupo ng mga pesanteng nakikipaglaban sa karapatan nila sa 75.5 ektaryang lupa ng Sitio Compra.
Aniya, ika-22 ng Enero 2021 pa lang ay bumibisita na ang ilang NTF-ELCAC representatives na siyang nagbanta at nanakot diumano sa SAMA-SAMA farmers.
"The cruel killing of Torres further highlights the dangers of red-tagging and the Anti-Terrorism Act. It victimizes the innocent and civilian poor merely for daring to assert their right to work and live," giit ni Ramos.
Si Torres ang sinasabing ika-315 magsasakang pinaslang sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duerte, ilang araw lang matapos mapatay ng peasant leader na si Antonio "Cano" Arellano noong ika-2 ng Pebrero. — may mga ulat mula sa ONE News