MANILA, Philippines — Inaasahang masisimulan na ang underground works ng pinakaaabangang Metro Manila Subway Project (MMSP).
Kasunod na rin nang pagpapasinaya ng Department of Transportation (DOTr) kahapon sa higanteng cutter head ng tunnel boring machine (TBM) na gagamitin ng pamahalaan para sa konstruksiyon partial operability section ng P393-bilyong proyekto.
Anang DOTr, ang naturang cutter head ay ikakabit nila kay ‘Kaunlaran,’ ang una sa anim na TBMs na layuning gamitin sa partial operability section ng subway.
Ang pagpapasinaya ay isinagawa sa Arrival Ceremony sa Manila North Centre Port Terminal kahapon.
Ayon sa DOTr, ang naturang Cutter Head ang pinakamalaki at pinakamabigat na bahagi ng TBM, at tumitimbang ng 74 tonelada.
Pangunahing layunin nito na sirain, putulin at gilingin ang mga bato at lupa sa pamamagitan nang pag-ikot sa 36- piece disc cutter nito, na binubuo ng 15 pirasong single at 21 pirasong twin Roller Cutter (RC).
“This Tunnel Boring Machine symbolizes its name, ‘Kaunlaran’. Today, we ask you as we applaud the coming of ‘Kaunlaran’ – I ask you in joining us in riding the Philippines’ first metro subway dahil ito ‘ho ay paglakbay papunta sa kaunlaran,” ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur P. Tugade sa kanyang mensahe.
Anang DOTr, ang pagdating ng kauna-unahang TBM Cutter Head ay hudyat nang pagdadatingan na rin ng iba pang TBM equipment at materials.