MANILA, Philippines — Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11521 na naglalayong amyendahan at palakasin ang RA 9160 o Anti-Money Laundering Act of 2001.
Layunin ng bagong batas na hindi magamit ang Pilipinas bilang isang money laundering site ng mga gumagawa ng ilegal.
Dahil sa pinalakas na Anti-Money Laundering Act, hindi na masasama ang Pilipinas sa “gray list” ng mga bansa na mahina ang polisiya laban sa money laundering.
Kasama sa babantayan sa RA 11521 ang mga real estate developers at brokers na bumibili at nagbebenta ng real estate properties, mga Philippine offshore gaming operators at kanilang service providers.
Pinalakas din ng bagong batas ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na binigyan ng kapangyarihan na kumuha, tumanggap at mag-analyze ng mga kahina-hinalang transaction reports.
Ang AMLC ay maari na ring mag-imbestiga, magpalabas ng subpoena at magsagawa ng search at seizure sa mga pinaghihinalaang indibiduwal.
Samantala, ang mga lalabag sa confidentiality clause ay maaaring makukulong ng tatlo hanggang walong taon at magmumulta ng mula P500,000 hanggang P1 milyon.
Kung ang nagkasala ay isang opisyal ng gobyerno, papatawan ito ng perpetual o temporary disqualification sa pagsisilbi sa public office bukod pa sa parusang pagkabilanggo at multa.