MANILA, Philippines — Nakahanda ng ipalabas ang P16.4 billion pondo para sa Barangay Development Program (BDP).
Ito ay matapos lagdaan ni Budget Sec. Wendel Avisado Local Budget Circular No. 135, na siyang magsisilbing gabay sa pagpapalabas ng NTF-ELCAC’s Local Government Support to the Barangay Development Program (LGSF-SBDP).
Ayon kay National Security Adviser and National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Vice Chairman Hermogenes Esperon Jr. ang pag-apruba ng pondo na ang layunin ay solusyunan ang hirap sa mga barangay na napasailalim ng impluwensiya ng New People’s Army.
Anya, aabot sa 822 barangays sa buong bansa, na ngayon ay wala ng banta ng NPA, ang makakatanggap ng tig-P20 million halaga ng iba’t ibang proyekto sa ilalim ng BDP.
Sinabi pa ni Esperon na habang ang layunin ng NTF-ELCAC ay wakasan ang pamumuno ng NPA sa mga naturang barangay, nilalayon din nitong pagbutihan ang pamumuhay ng mga tao.
Maaaring gamitin ng mga barangay ang pondo sa mga proyekto gaya ng farm-to-market roads, school buildings, water and sanitation systems, rural electrification, housing; medical, burial, transportation, food, cash-for-work and educational assistance para sa mga mahihirap.
Maaari rin itong magamit sa mga proyekto para hindi lumaganap ang COVID-19.