MANILA, Philippines — Ilang grupo ng manggagawa sa ngayon ang nananawagan ng agarang umento sa sahod at pagkokontrol ng presyo habang nagsisiritan ang mga bilihin sa kalagitnaan ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Halos magkandalula na raw kasi sila ngayon sa mga gastusin lalo na't tumitindi ang pandemya at krisis pang-ekonomiya.
"Lahat na lang sumisirit ang presyo, pero walang hakbang ang gobyernong Duterte para makaagapay at matulungang mag-survive ang manggagawa," sambit ni Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno, Miyerkules.
"400 piso ang baboy. Halos 200 ang talong. Lampas 1,000 ang sili. Ano pong uulamin namin?"
Una nang sinabi ng mga agriculture stakeholders na magtutuloy-tuloy ang pag-akyat ng presyo ng baboy at manok oras na kumalat pa ang African Swine Fever sa Visayas gaya na lang ng pananalasa nito sa Luzon at Mindanao.
Narito ang presyo ng pagkain kada kilo sa price monitoring ng Department of Agriculture nitong Martes: liempo (pork belly) sa P400, beef rump sa P400, buong manok sa P170, repolyo sa P200, Baguio pechay sa P150, pulang sibuyas at imported bawang sa P100 at siling labuyo na aabot ng hanggang P1,000.
Basahin: ASF to further push up pork, chicken prices
Isyu ng minimum wage
Ayon sa KMU, Nobyembre 2018 pa huling nagkaroon ng wage hike sa National Capital Region nang itaas ito sa P537. Naghain ng wage hike petition ang ilang grupo nitong Abril 2019 ngunit ibinasura ito pagdating ng Hunyo. Nagdeklara naman ang NCR wage board ng "indefinite deferment" ng wage petitions dahil na rin sa pandemya.
Mas mababa naman ang minimum wage sa mga probinsya: P400-P420 sa Central Luzon at Southern Tagalog, habang nasa P404 lang ito sa Cebu. Lalong mas mababa 'yan sa Davao region sa sahod na P396, habang P290-P325 lang ito sa Bangsamoro.
Habang pinapapaspasan ng KMU ang agad na pagpapasa ng P750 kada araw na national minimum wage bill, pinaplano na rin daw nila ang paghahain ng bagong wage petition.
"Paano titibay ang resistensya sa sakit [na COVID-19) kung walang makain?" patuloy ni Adonis.
"Napakatagal na panahon - pinandemya, binagyo at pinapatay na tayo ni Duterte, pero ang sahod ng manggagawa nakapako. Panawagan namin - pabilisin ang pag-apruba sa umento nang makabili kami ng mga kailangan namin."
Pagkontrol ng presyo
Ganyan din naman ang inaaray ng grupong Solidarity of Union in the Philippines for Empowerment and Reforms (SUPER) kahapon. Pero sa panig nila, maaari ring magpatupad ng pagpigil sa bara-barang pagtataas ng bilihin.
"Katumbas [na ng isang kilong baboy ang] minimum na sahod sa Region IV-A. Mas mataas ito sa minimum na sahod na lahat ng rehiyon sa Pilipinas, liban sa NCR," wika ng SUPER sa isang pahayag.
"Hindi mabubuhay ang pamilya ng ordinaryong manggagawa, lalo na ang manggagawang natanggalan ng trabaho dahil sa pananamantala ng mga kapitalista sa panahon ng pandemya, kung hindi abot kaya ng kanyang bulsa ang presyo ng pagkain."
PRESS STATEMENT AGARANG PRICE CONTROL SA PAGKAIN, IPATUPAD NA! Binulaga ang mga manggagawa ng matinding pagtaas sa...
Posted by Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms - SUPER on Tuesday, January 19, 2021
Dagdag pa nila, pinalalala ng mga patakaran gaya ng TRAIN Law sa pagsipa ng bilihin dahil sa dagdag ng buwis sa porma ng excise tax sa presyo ng gasolina, na nagbubunga ng pagtaas ng presyo ng bilihing ibinabiyahe.
Maliban pa raw diyan ang patakaran ng deregulasyon, na lalong nagtatanggal ng kontrol sa mga presyo.
"Kagyat na isinusulong ng SUPER Federation ang agarang PRICE CONTROL sa presyo ng mga batayang bilihin. Sa kagyat ay maaari muna itong pangunahan ng DTI ngunit dapat ay tumungo ito sa isang 'Price Board' kung saan may makabuluhang pakikilahok, representasyon, at KAPANGYARIHAN ang masang konsyumer sa pagkontrol ng presyo ng mga bilihin," saad pa nila.