MANILA, Philippines — Bagama’t suportado pa rin ang legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte, tutol naman ang binuong independent bloc ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter sa isinusulong na amyenda sa Charter Change o Cha-Cha sa pagsasabing hindi ito napapanahon.
Sa halip na Cha-Cha, mas pagtutuunan ng pansin ng ‘Balik sa Tamang Serbisyo’ (BTS) bloc sa Kongreso ang mga mahahalagang isyu tulad ng COVID-19 vaccination program at economic recovery ng bansa, presyo ng bilihin at kuryente, peace and order at iba pang nakakaapekto sa pang araw-araw na buhay ng mga mamamayang Pilipino.
Ayon kay dating House Speaker Cayetano, kailangang pagtuunan ng pansin ang mga isyung ito na tila nawalan na ng pokus sa Kamara na dapat sana ay sinusuportahan ang mga prayoridad ng Duterte administration habang nanatiling isang independent na institusyon.
“Kailangan natin ay Bayanihan at Tapang sa Serbisyo na nawala na sa Kongreso,” ayon kay Cayetano. “Huwag panay puro pulitika lang.”
“‘Best of the Best’ ang hangad ko para sa bawat Pilipino,” dagdag pa ni Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na isa sa mga dapat pagtuunan ng pansin ay ang COVID-19 vaccination plan ng gobyerno, para matiyak na magiging maayos, patas, at walang mintis ang programa para mabigyan ng vaccine ang kailangang mabakunahang Pilipino.
Kasama sa BTS bloc ang ilang dating lider ng Kamara sa pangunguna nina former Deputy Speakers Camarines Sur Cong. L’Ray Villafuerte, Laguna Cong. Dan Fernandez, Batangas Cong. Raneo Abu at Capiz Cong. Fredenil Castro; Bulacan Cong. Jonathan Sy-Alvarado na dating chairman ng House committee on good government and public accountability; at Anakalusugan partylist Cong. Mike Defensor, na dating chairman ng House public accounts committee.