MANILA, Philippines — Nakikiusap ang abogado ng apat na inirereklamo sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera na iatras na ng dalawang mambabatas na nag-alok ng daan-daanlibong pisong pabuya para sa ikaaaresto ng kanyangmga kliyente.
Matatandaan kasing nag-alok ng P100,000 si ACT-CIS Rep. Eric Yap habang P500,000 naman ang reward money naman ang ilalabas ni Sen. Manny Pacquiao sa ikakulong ng 11 inirereklamo ng "rape with homicide" ng 23-anyos na binawian ng buhay sa Makati.
Una nang iniutos ng prosekusyon na palayain ang tatlo sa mga una nang nasakote ng otoridad na sina John Pascual Dela Serna III, Rommel Daluro Galido at John Paul Reyes Halili habang wala pang preliminary investigation na mangyayari sa ika-13 ng Enero.
Basahin: 23-anyos flight attendant natagpuang patay sa hotel
May kinalaman: 3 tiklo sa kaso ng flight attendant; 'case solved' kahit 9 tinutugis pa
"This affects the safety and security of these gentlemen here, considering that there is someone tailing them or surveilling or taking videos outside their house, so we are appealing to them to recall the bounty," ayon sa abogado na si Mike Santiago, Biyernes, sa panayam ng ANC.
Aniya, hindi na rin kailangang maglabas ng pabuya lalo na't naihain na ang complaint sa ngayon: "We are willing, our clients, to face and answer this complaint," dagdag ni Santiago.
Kagabi lang nang humarap sa media sina Galido, Rosales, Dela Serna at Clark Rapinan para linisin ang kanilang pangalan habang inililinaw na hindi nila hinalay at pinaslang ang kaigan nang makasamang mag-party nitong Bagong Taon sa isang hotel.
Nanindigan ang mga nakasamang huli ni Christine Dacera na inosente sila sa nangyari. Hindi raw nila magagawa iyon dahil sa pagmamahal sa namayapang flight attendant. pic.twitter.com/nhAbzlqzPK
— News5 (@News5PH) January 8, 2021
Wala rin aniya silang nakitang "party drugs" habang nangyayari ang mga pagdiriwang noon, lalo na't hindi rin naman daw sila gumagamit nito.
Basahin: Dacera died a natural death, claim four men accused in rape-slay case
Sinabi nina Rommel Gallido at Valentine Rosales na wala silang nakitang party drugs noong gabing nakasama nila si Christine Dacera sa hotel. Handa rin daw silang dumaan sa drug test kung may consent ng abogado.
WATCH: https://t.co/u2SEc7FTJY pic.twitter.com/d4pHGRtcIQ— News5 (@News5PH) January 8, 2021
Una nang sinabi ng resolusyong nilagdaan ni Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan na kulang-kulang pa ang ebidensiyang magdidiin sa unang nakulong na tatlo para masabing ni-rape nila ang kaibigan.
Aminado ang ilang suspek na marami sa kanila ay bakla at hindi attracted sa kababaihan para magawa ang krimen.
'Hindi na kailangang iatras'
Sa isang pahayag na inilabas ni Yap ngayong araw, ipinaliwanag niyang hindi na kakailanganing bawiin pa ang nauna nang alok na P100,000 sa makapagtuturo sa mga akusado.
"In principle, the bounty is now considered as moot and now off the table as they have already voluntarily presented themselves and now cooperating in the investigation," ayon kay Yap.
"As part of the call #JusticeForChristineDacera, we announced the bounty with the purpose to summon those involved to come out and cooperate in solving the case."
Aniya, nagawa lang niya ito noon dahil sa karamihan sa mga iniuugnay sa pagkamatay ay hindi man lang mahagilap ng mga otoridad. Hindi naman daw sila titigil sa paghahanap ng hustisiya para kay Christine.
Tila duda pa naman ang ina ng namatay hinggil sa mga naunang testimonya ng mga pinagbibitangan na sila'y inosente sa krimen.
"Eh ‘di wow nga! Eh ‘di wow, wow, wow! Ganoon na lang sabihin ko sa kanila. Sige lang. Alam ng Diyos ang totoo," wika ni Sharon Dacera sa ulat ng GMA News.
"Tatay Digong, kailangan ko po kayo sa laban na ito… I need more prayers but ‘yung kamay na bakal para sa mga taong gumawa ng ganitong karumaldumal sa anak ko po, tatay, parusahan niyo na po." — James Relativo at may mga ulat mula kina Kristine Joy Patag, Xave Gregorio at News5